Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Lin Chia-lung biglang lumitaw sa Roma, nakipagpulong sa mahigit 10 mambabatas ng Italya

23/09/2025 12:00
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Dumalo si Foreign Minister Lin Chia-lung sa inagurasyon ng bagong ayos na gusali ng Taipei Representative Office sa Italya at nakisama sa seremonya ng paggugupit ng laso kasama ang mahigit 10 mambabatas ng Italya. (CNA)
Dumalo si Foreign Minister Lin Chia-lung sa inagurasyon ng bagong ayos na gusali ng Taipei Representative Office sa Italya at nakisama sa seremonya ng paggugupit ng laso kasama ang mahigit 10 mambabatas ng Italya. (CNA)

Naglakbay si Lin Chia-lung patungong Europa at kahapon ay biglang lumitaw sa Roma para sa ceremony of completion ng bagong biling gusali ng tanggapan ng kinatawan ng Taiwan sa Italya. Nakipag-usap siya nang masigla sa mga senador at kongresista ng Italya. Ito ang unang pagkakataon sa mga nakaraang taon na isang foreign minister ng Taiwan ay pumunta sa kabisera ng Italya.

Matapos ang matagumpay niyang pagbisita sa Japan at Pilipinas, nagtungo si Lin sa Europa. Kasabay naman nito, nasa Europa rin si Chinese Foreign Minister Wang Yi, kaya’t naging mas mataas ang interes ng pandaigdigang komunidad. Para maiwasan ang presyur mula sa China, itinago muna ang detalye ng biyahe at ibinunyag lamang matapos niyang makaalis ng Italya.

Sa seremonya, dumalo ang mga kilalang pro-Taiwan na mambabatas tulad ni Senator Lucio Malan, pangulo ng Taiwan-Italy Parliamentary Friendship Association; Senate Deputy Speaker Gian Marco Centinaio; at Deputy Chair ng House Foreign Affairs Committee Paolo Formentini.

Kasama ng mga panauhin, naggupit ng laso si Lin at pagkatapos ay nagtanim ng punongkahoy kasama si Malan sa hardin ng opisina, bilang sagisag ng patuloy na paglago ng pagkakaibigan ng Taiwan at Italya.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Lin na ang bagong biling at inayos na opisina ay magsisilbing “pangalawang tahanan” ng Taiwan sa Europa at bukas para sa mga panauhin at overseas Taiwanese. Dagdag niya, magbubukas ito ng bagong kabanata sa relasyon ng Taiwan at Italya, lalo na’t parehong bansa ay may magkatulad na prinsipyo at ang Italya ay miyembro ng G7.

Binigyang-diin niya na nakabatay sa kalayaan, demokrasya, at karapatang pantao ang pagkakaibigan ng dalawang bansa, at mahalaga ito sa panahong kinakailangan ang kolektibong katatagan. Pinuri rin niya ang suporta ng gobyerno at parlamento ng Italya sa Taiwan, partikular sa isyu ng kapayapaan at katatagan sa Taiwan Strait at Indo-Pacific, at sa pagsuporta sa makabuluhang partisipasyon ng Taiwan sa United Nations at World Health Organization.

Ipinunto rin ni Lin ang potensyal sa ekonomiyang kooperasyon ng dalawang bansa. Kilala ang Italya sa inobasyon, disenyo, at industriya, habang malakas ang Taiwan sa high-tech, green energy, at advanced manufacturing. Halimbawa, kamakailan ay pinalawak ng Taiwanese semiconductor firm na GlobalWafers ang kanilang produksyon sa hilagang Italya.

Idinagdag niya na ngayong taon ay Taiwan Cultural Year in Europe, na nagtatampok hindi lang ng teknolohiya ng Taiwan sa semiconductors at ICT, kundi pati ng kultura at sining. Naniniwala siyang ang bagong opisina sa Roma ay magbibigay ng mas maraming pagkakataon para sa cultural exchanges.

Tinukoy din ni Lin na ang gusaling ito ay hindi lamang simbolo ng bagong yugto sa relasyon ng Taiwan at Italya, kundi representasyon din ng pag-asa at progreso.

Sa seremonya, isang Taiwanese artist na si Chiang Wen-ju, na nag-aral ng mosaic art sa Italya, ay naghandog ng artwork na Jade Mountain Radiance na gawa sa mga recycled semiconductor materials. Pinagsama nito ang simbolikong “dalawang bundok na nagpoprotekta sa bansa” ng Taiwan, at ikinahanga ito ng mga panauhin.

Ang gusali ng representative office ay dating nirentahan, ngunit dahil sa problemang pinansyal ng dating may-ari, na-auction ito noong 2023. Upang makatipid sa mataas na upa at gastos sa paglilipat, nagpasya ang foreign ministry na bilhin ang gusali sa halagang higit 4 bilyong NT dollars na hinati sa dalawang taon.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解