Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Paglilinis ng Bahay sa Hualien Umabot 88%; Panawagan ng Simbahan: Igalang ang Kultura ng Katutubo sa Relokasyon

02/10/2025 17:00
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
The photo shows residents cleaning their homes. (CNA)
The photo shows residents cleaning their homes. (CNA)

Nag-overflow ang Matai’an River landslide dam sa Hualien na nagdulot ng malawak na pinsala. Hanggang alas-8:30 ng umaga ngayong Oktubre 2, nakapagtala na ng 18 patay, 151 sugatan, at 6 na nawawala.

Sa regular na press conference ngayong umaga ng Forward Coordination Office na itinayo ng sentral na pamahalaan sa Hualien, iniulat ni Chi Lian-cheng, punong tagapag-ugnay at ministro ng Executive Yuan, na umabot na sa 88.14 porsyento ang paglilinis sa mga tahanan ng mga nasalanta. Nangako rin siya na mananatili ang opisina sa Hualien upang samahan ang mga biktima hanggang sila ay maging kuntento sa resulta ng rehabilitasyon.

Ipinahayag din ni Chi ang tatlong pangunahing batayan bago tuluyang alisin ang red alert sa Matai’an landslide dam lake. Una, kailangang masiguro kung ang overflow ay hindi magdudulot ng panganib. Pangalawa, dapat matapos at maging matibay ang pagpapalakas ng mga embankment. Pangatlo, dapat masuri ang kalagayan ng dredging ng ilog, kabilang ang lalim na mahuhukay at gaano karaming tubig ang ligtas na daraan. Matapos lamang makumpirma ang kaligtasan sa tatlong usaping ito ay aalisin ang red alert. Bago iyon, patuloy na mananatiling aktibo ang Central Disaster Response Center at Hualien County Disaster Response Center.

Tungkol naman sa posibleng pag-alis ng Forward Coordination Office, sinabi ni Chi na ibabatay ito sa kabuuang antas ng rehabilitasyon. Ipinaliwanag niya na kailangan ng tatlong pirma bago ideklarang tapos ang pagbawi mula sa pinsala. Una ang pirma ng hepe ng baryo, susunod ang alkalde ng bayan, at huli ang pamahalaang panlalawigan. Kapag natanggap ang tatlong lagda, doon pa lamang ititigil ang operasyon ng pagbawi at rehabilitasyon sa lugar. Hangga’t wala ang tatlong pirma, ipagpapatuloy ang trabaho.

Sa bahagi ng paglilinis ng debris, iniulat ni Chi na nasa 30 porsyento pa lamang ang natatapos sa mga kalsada, ngunit sa mga bahay ng mga residente ay umabot na sa 88.14 porsyento. Sa detalyadong ulat, nasa 80 porsyento na ang progreso sa Da’an, 85 porsyento sa Dama, 87 porsyento sa Datong, 90 porsyento sa Dahua, Daping, at Guangfu, at 95 porsyento na ang Beifu.

Samantala, nanawagan ang Presbyterian Church in Taiwan na isaalang-alang ang boses ng mga katutubo sa muling pagtatayo at relokasyon ng mga nasalanta. Binanggit nila na hindi dapat maulit ang naging karanasan noong lindol noong 921 at Typhoon Morakot kung saan sapilitang inilipat ang mga tao nang hindi iginalang ang kultura ng mga komunidad.

Partikular na tinamaan ang Guangfu Township na nasa ibaba ng landslide dam overflow. Ito ay tirahan ng mga katutubong Amis gaya ng Matai’an at Taibashu. Dahil sa matinding pagbara ng ilog at drainage system, inaasahang aabutin ng maraming taon bago ganap na maayos ang lugar, na nag-iiwan sa mga residente sa panganib sa mahabang panahon.

Sa isang press conference ngayong umaga sa Legislative Yuan, naglatag ang Presbyterian Church ng limang pangunahing panawagan. Una, tiyakin ang kaligtasan ng mga boluntaryo. Pangalawa, maglatag ng panandaliang mga hakbang para mabawasan ang panganib. Pangatlo, bigyan ng sapat na suporta sa pabahay at kabuhayan ang mga nasalanta. Pang-apat, magkaroon ng malinaw at kumpletong plano sa muling pagtatayo o paglipat. Panglima, igalang at isama ang pananaw ng mga katutubo sa lahat ng desisyon tungkol sa rehabilitasyon.

Ayon kay Kulas Umo ng Matai’an self-help association, maaaring lumampas sa dalawang taon bago matapos ang kabuuang proseso ng rehabilitasyon. Sa panahong ito, mananatili sa panganib ang pamumuhay ng mga katutubo. Bagama’t may plano ang pamahalaan na magtayo ng social housing at transitional housing, nangangamba ang mga komunidad na maulit ang nangyari sa 921 earthquake at Typhoon Morakot kung saan sila ay sapilitang inilipat nang hindi iginalang ang kanilang tradisyong pangkultura.


為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解