Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Pagpanaw ni Jane Goodall, Pinagmumulan ng Pagdadalamhati at Pagpupugay

02/10/2025 17:15
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
On October 2, President Lai Ching-te (right) wrote that he remembers walking along the Erren River with Jane Goodall (center) during his tenure as Tainan mayor. Regarding Goodall’s passing, he expressed, on behalf of the people, his deepest condolences and sympathy. (Photo from Lai Ching-te’s Facebook)
On October 2, President Lai Ching-te (right) wrote that he remembers walking along the Erren River with Jane Goodall (center) during his tenure as Tainan mayor. Regarding Goodall’s passing, he expressed, on behalf of the people, his deepest condolences and sympathy. (Photo from Lai Ching-te’s Facebook)

Pumanaw na ang kilalang konserbasyonista at primatologist na si Dr. Jane Goodall. Nagpahayag ng pakikiramay at pinakamalalim na pagdadalamhati si Pangulong Lai Ching-te ngayong Oktubre 2. Ayon sa kanya, si Goodall ay hindi lamang higante ng kanyang panahon kundi isa ring mabuting anghel na nag-alay ng buhay sa pangangalaga ng kalikasan. Sinabi ng pangulo na patuloy na susulong ang Taiwan at naniniwala siya na ang imahe ni Goodall bilang huwaran ng walang pagod na pakikibaka ay mananatiling nakatatak sa puso ng mga mamamayan.

Sa kanyang mensahe sa Facebook, binigyang-diin ng pangulo na buong buhay ay inialay ni Goodall sa pangangalaga ng kapaligiran at sa pagsusulong ng edukasyong pangkalikasan. Ipinaalala rin niya na si Goodall ay hindi lamang nagsaliksik sa kagubatan ng Tanzania gamit ang teleskopyo upang obserbahan ang mga tsimpansi kundi umakyat din sa entablado upang itaguyod ang adbokasiya para sa kalikasan. Ang kanyang kabutihan at mainit na presensya ay nagbigay-inspirasyon sa maraming kabataan na kumilos upang baguhin ang mundo.

Inalala rin ng pangulo na noong siya ay alkalde ng Tainan, naglakad sila ni Goodall sa tabing-ilog ng Erren River. Sa kanilang pag-uusap, ibinahagi ni Goodall ang pagnanais na may mga tagapangalaga ng ilog mula sa pinagmumulan nito hanggang sa bunganga. Patuloy namang tinutukan ng pamahalaan ang isyu ng proteksyon sa kapaligiran at pagbabago ng klima, at pinalalawak ang edukasyong pangkalikasan upang makapagpalaki ng mas maraming tagapangalaga.

Ayon kay Pangulong Lai, bumalik si Goodall sa Taiwan noong Hunyo ngayong taon upang makipag-usap sa mga kabataan at hikayatin silang huwag mawalan ng pag-asa. Naniniwala ang pangulo na bagama’t maliit ang Taiwan, dito nag-iwan si Goodall ng maraming alaala at kuwento. Pinuri niya ang hindi matatawarang ambag ni Goodall at inilarawan siyang hindi lamang isang higante ng panahon kundi isang mabuting anghel ng kalikasan.

Samantala, nagpahayag din ng pakikiramay si Pangalawang Pangulo Hsiao Bi-khim sa pamamagitan ng Facebook. Siya ay nagbanggit ng sipi mula sa Ebanghelyo ni Juan: “Maliban na ang isang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito’y nananatiling nag-iisa. Ngunit kung ito’y mamatay, ito’y magbubunga ng marami.” Ipinahayag niya ang pag-asa na magpatuloy ang espiritu ni Goodall upang maipasa ang pag-ibig at pag-asa sa susunod na henerasyon.

Dagdag pa ni Hsiao, si Goodall ay nag-alay ng buong buhay sa pananaliksik ng mga primate at sa pagtataguyod ng pangmatagalang kalikasan. Nakikiramay siya sa balitang ito na aniya’y nakalulungkot at nakapagpapaalala ng kahalagahan ng mga ginawa ni Goodall. Naalala rin niyang dumalaw si Goodall sa Tainan upang bisitahin ang tirahan ng mga ibon at ngayong Hunyo ay bumalik muli sa Taiwan upang hikayatin ang lahat na huwag mawalan ng pag-asa at ipagpatuloy ang paglikha ng mas magandang mundo para sa susunod na henerasyon.

Kinumpirma ng Taiwan chapter ng Jane Goodall Institute na pumanaw si Goodall noong Oktubre 1 sa edad na 91. Noong Hunyo lamang ngayong taon ay bumisita pa siya sa Taiwan at nag-iwan ng paalala na bawat isa sa atin, sa araw-araw, ay may kakayahang gumawa ng pagbabago. Ang kanyang pagpanaw ay nagdulot ng malalim na pagdadalamhati sa buong mundo, lalo na sa mga nagmamalasakit sa kalikasan.

Hindi nakatuon lamang si Goodall sa karangalan ng akademya. Itinuon niya ang kanyang buhay sa pandaigdigang adbokasiya para sa konserbasyon, kapakanan ng mga hayop, at edukasyong pangkalikasan. Palagi niyang pinaaalala na ang ating mga pang-araw-araw na pagpili ay may epekto sa kinabukasan ng mundo.

Sa kanyang buhay, tumanggap siya ng maraming pagkilala kabilang ang pagkakahirang bilang United Nations Messenger of Peace noong 2002 at pagiging Dame Commander ng Order of the British Empire noong 2004. Nakamit din niya ang French Legion of Honour, Franklin Medal in Life Sciences, Kyoto Prize, Gandhi–King Award for Nonviolence, at iba pang prestihiyosong parangal mula sa iba’t ibang bansa.

Mahalagang bahagi rin ng kanyang paglalakbay ang Taiwan. Mula nang una siyang bumisita noong 1996, nakapagdulot siya ng makabuluhang talakayan sa mga paaralan at komunidad. Dinala niya rito ang programang Roots & Shoots na kanyang itinatag noong 1991. Noong 1998, naitatag ang Jane Goodall Institute Taiwan na nakipagtulungan sa mahigit isang libong paaralan upang palakihin ang kabataang handang kumilos para sa kalikasan.

Sa ilalim ng kanyang impluwensya, lumawak ang Roots & Shoots mula sa mga paaralan hanggang sa komunidad, na nagpasimula ng mga proyekto sa pangangalaga ng wetlands, pagbabawas ng paggamit ng plastik, at pananaliksik sa basura sa dagat. Nakipagtulungan din siya sa mga unibersidad tulad ng Chang Jung Christian University upang isulong ang edukasyong pangkalikasan. Noong 2020, naitatag ang kauna-unahang elementaryang paaralan sa buong mundo na nagsasabuhay ng Roots & Shoots.

Kahit sa kanyang katandaan, patuloy siyang bumibisita sa Taiwan. Ayon sa Jane Goodall Institute Taiwan, ipagpapatuloy nila ang kanyang diwa at sisiguraduhin na ang kanyang mensahe ng pag-asa ay mananatiling buhay sa pamamagitan ng aksyon.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解