Sa nalalapit na pagpupulong nina U.S. President Donald Trump at Chinese President Xi Jinping ngayong Oktubre 30, sinabi noong Oktubre 29 ng tagapagsalita ng Presidential Office na si Kuo Ya-hui na patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang sitwasyon at ikinagagalak ang pag-uusap at palitan ng ideya sa pagitan ng dalawang lider.
Ayon kay Kuo, anumang hakbang na makatutulong sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon at makapagpapababa ng tensiyon ay positibong tinitingnan ng Taiwan.
“Anumang makatutulong sa mapayapa at matatag na pag-unlad ng rehiyon, at anumang pagsisikap na makababawas sa posibilidad ng mga sigalot, ay aming tinatanggap nang positibo at may optimismo,” pahayag ni Kuo.
Dagdag pa niya, pinahahalagahan ng Taiwan ang matagal nang suporta ng U.S. sa seguridad at demokrasya ng bansa. Binanggit din niya ang pahayag ng mga foreign minister ng U.S., Japan, at South Korea sa panahon ng United Nations General Assembly, gayundin ang pagpupulong ni dating Japanese Prime Minister Sanae Takaichi kay Trump, na muling nagpatibay sa kahalagahan ng kapayapaan at katatagan sa Taiwan Strait, at sa pagtutol sa anumang unilateral na pagbabago ng kasalukuyang kalagayan.
Sinabi ni Kuo na patuloy na makikipag-ugnayan ang Taiwan sa U.S. at magbabantay sa mga pangyayari sa rehiyon upang sabay-sabay na mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific at Taiwan Strait.
Tungkol naman sa nalalapit na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit, nang tanungin kung makikipagkita ba ang kinatawan ng Taiwan na si Lin Hsin-yi kay Trump o kay Takaichi, sinabi ni Kuo na hindi isinasantabi ang anumang posibilidad. Aniya, natural lamang ang pagkakaroon ng mga pulong sa pagitan ng mga lider o kinatawan ng mga bansa, at aktibo na ring inihahanda ang mga bilateral at di-pormal na pagpupulong.
Samantala, nang tanungin ukol sa pahayag ni KMT chairperson-elect Cheng Li-wen na tutol sa pagtaas ng badyet sa depensa, tumugon si Kuo:
“Ang demokrasya ay hindi isang uri ng pang-uudyok. Ang pamumuhunan sa pambansang depensa ay pamumuhunan din sa kapayapaan,” aniya. “Hindi ko ganap na nauunawaan ang kanyang pananaw, ngunit malinaw na hindi ito tugma sa pananaw ng karamihan sa mga demokratikong bansa sa mundo.”
Dagdag pa ni Kuo, ang banta ng militar ng China ay isang totoong panganib, hindi isang reaksyon sa anumang ‘pang-uudyok’. Binanggit niyang habang papalapit ang APEC sa Gyeongju, South Korea, ay patuloy ang China sa mga real-combat drills sa rehiyon, dahilan upang paramihin ng mga karatig-bansa ang kanilang badyet sa depensa — kabilang na ang Taiwan.