Iniulat ng Associated Press na si Imee Marcos, kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matagal nang may lamat ang relasyon sa kanya, ay hayagang nag-akusa noong ika-17 na matagal nang gumagamit ng droga ang pangulo. Sinabi niya na ang pagdepende nito sa cocaine ang nagdulot ng mga problema sa pamamahala, kasama ang korupsiyon. Ayon kay Claire Castro, tagapagsalita ng pangulo, matagal nang napatunayang walang basehan ang mga lumang akusasyong ito.
Ayon kay Castro, ang walang batayang paratang ni Senadora Imee Marcos laban sa kapatid niya ay maaaring desperadong hakbang para ilihis ang atensiyon mula sa imbestigasyon ng katiwalian sa mga proyekto sa flood control na kinasasangkutan ng mga kaalyado nito sa Senado.
Sabi niya, “Senadora Imee, umaasa ako na makabayan ka at tutulungan mo ang kapatid mo sa imbestigasyon na ginagawa niya. Dapat mo ring kondenahin ang lahat ng uri ng korupsiyon.” Dagdag pa niya, “Huwag kang kumampi sa kanila. Huwag mo silang pagtakpan. Hayaan mong magtrabaho ang pangulo para wakasan ang lahat ng katiwalian.”
Isang independent fact finding commission na itinatag ni Marcos Jr., isang komite sa Senado at ilang ahensiya ng pamahalaan ang patuloy na nagsisiyasat sa mga makapangyarihang miyembro ng Kongreso at Senado na iniuugnay sa pagtanggap ng malalaking kickback mula sa mga kontraktor.
Nakuha ng mga kontraktor ang malalaking kontrata para sa mga proyekto sa flood control sa Pilipinas. Natuklasan na maraming proyekto ang substandard, hindi natapos o hindi talaga umiral. Nagpasiklab ito ng matinding galit sa publiko sa bansang madalas tamaan ng malalakas na baha at bagyo.
Kilala si Imee Marcos bilang kaalyado ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Noong Marso, inaresto si Duterte sa bisa ng warrant mula sa International Criminal Court at dinala sa The Hague sa Netherlands. Hinaharap niya ang paratang na crimes against humanity dahil sa libo-libong nasawi sa kampanya kontra droga noong siya ang pangulo. Itinanggi niya ang anumang maling gawain.
Isinisisi ng pamilya Duterte at mga kaalyado nito ang umano’y iligal na pag-aresto at pagkakakulong kay Duterte kay Marcos Jr. at sa kanyang administrasyon. Ang anak ni Duterte na si Sara, na kasalukuyang bise presidente, ay isa sa pinakaingay na kritiko ni Marcos Jr. pero malapit na kaibigan ni Imee Marcos.
Noong Marso, inanunsyo ng Senado ng Pilipinas na magsasagawa ito ng pormal na imbestigasyon tungkol sa pag-aresto at mabilis na paglipat kay Duterte sa ICC. Si Imee Marcos ang nanguna sa pagpasimula ng imbestigasyong ito.