Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Inilabas ang Special Law para sa Delivery Riders; Orasang Sahod di Dapat Bababa sa 1.25× ng Minimum Wage

23/11/2025 12:00
Editor ng Pagsulat: 呂曉倩
Photo from CNA.
Photo from CNA.

Inanunsyo ng Department of Labor noong ika-21 ng Nobyembre ang draft ng “Batas para sa Karapatan ng mga Delivery Rider at Pamamahala ng Delivery Platform”, na nagtatakda na ang oras-oras na sahod ng mga delivery rider ay hindi bababa sa 1.25 beses ng minimum wage. Kung ibabatay sa susunod na taon na minimum wage na NT$196 kada oras, ang sahod kada oras ay hindi bababa sa NT$245. Ayon sa mga opisyal, base sa datos na ibinahagi ng mga delivery platform, ang median na sahod ng mga rider ay umaabot sa NT$290 kada oras, kaya walang dahilan para taasan ang presyo ng serbisyo.

Ayon kay Labor Minister Hong Shen-han, sa nakaraang sampung taon, mabilis ang pag-usbong ng delivery platform services at naging mahalagang bahagi na ng lipunan. Upang maprotektahan ang mga delivery rider na may pinakamataas na panganib, inanunsyo ng Labor Department ang draft law na nagtatakda ng mga karapatan at obligasyon sa pagitan ng apat na partido: delivery platform operators, delivery riders, consumers, at partner merchants.

Ayon kay Wang Hou-wei, Director ng Labor Relations, dahil kailangang may sariling motorsiklo ang mga delivery rider, nakabase sa formula ng transport fare na inilatag ng Department of Transportation ang bawat order, kasama ang depreciation ng motorsiklo, gasolina, maintenance, at iba pang gastos. Sa ganitong kalkulasyon, ang kita kada order ay hindi dapat bumaba sa itinakdang base fare ng DOT, at ang equivalent na sahod kada oras ay hindi bababa sa 1.25 beses ng minimum wage, upang matiyak ang basic income ng rider.

Kung ibabatay sa susunod na taon na minimum wage na NT$196, ang sahod kada oras ay hindi bababa sa NT$245. Batay sa datos mula sa mga platform, ang median na sahod ng delivery rider ay humigit-kumulang NT$290 kada oras, kaya’t maliit lamang ang agwat. Ayon kay Wang, hindi ito magiging dahilan upang itaas ng mga platform ang presyo o dagdagan ang singil sa mga merchant.

Itinakda rin ng draft law na dapat malinaw na ipaalam ng delivery platform sa rider ang mga detalye ng order bago ito tanggapin, kabilang ang estimated pay, lokasyon ng pick-up at delivery, at iba pang mahalagang impormasyon, upang maiwasan ang tinatawag na “blind box” system. Ayon sa kanya:
"Sa oras ng pag-assign ng order, dapat ipaalam agad sa rider ang lahat ng mahahalagang detalye: eksaktong lokasyon ng delivery, kung magkano ang kita mula sa order, at iba pang instruksiyon. Sa ganitong paraan, maaari niyang pag-isipan kung tatanggapin ba niya ang order o hindi."

Tinitiyak din ng batas ang karapatan ng rider na mag-offline at maging flexible: maaaring piliin ng rider kung kailan siya mag-online at kailan mag-offline, at hindi puwedeng ipatupad ng platform ang parusa kung tatanggihan ang order.

Sa aspeto ng reklamo, kung nais tapusin ng platform ang kontrata, dapat ipaliwanag ang dahilan, managot sa ebidensya, at magbigay ng pagkakataon para mag-apela. Dapat ding magkaroon ng independent review committee na binubuo ng mga eksperto at kinatawan ng labor union na walang conflict of interest.

Sa parusa, kung pipilitin ang rider na tanggapin ang order, multang NT$100,000 hanggang NT$500,000 ang ipapataw. Kung hindi naisasama sa insurance ang rider o hindi binigyan ng financial compensation sa pagtapos ng kontrata, multang NT$20,000 hanggang NT$100,000 ang ipapataw.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解