Pinangunahan ni Pangulong Lai Ching te ngayong umaga ika 25 ang seremonya ng pagpapatibay ng ranggo ng mga opisyal ng sandatahang lakas para sa buwan ng Disyembre. Sinabi ng Pangulo na nakakuha ang militar ng Taiwan ng mga makabagong kagamitan tulad ng M1A2T battle tanks at Himars long range rocket systems. Binanggit din niyang darating pa ang iba pang kagamitan para sa reconnaissance at unmanned systems. Layon nitong bumuo ng multi layer air defense na may kakayahang umharang at magpatibay pa sa tinatawag na Taiwan Shield o T Dome. Hinikayat niya ang mga opisyal ng militar na kasabay ng modernisasyon ng kagamitan ay paunlarin pa ang kanilang taktika upang mas maging epektibo ang deterrence capability ng bansa.
Nagbigay ng pagbati ang Pangulo sa apat na Major General na itinaas sa ranggong Lieutenant General. Kabilang dito sina Hou Jia lun na Deputy Chief of the Manpower Office ng Ministry of National Defense, Chen Hong shi na Chief of Presidential Office Security, Yin Chang rong na Deputy Commander ng Army Sixth Corps at Huang Chao cheng na Commander ng Army Hualien Taitung Defense Command. Pinuri niya ang kanilang kakayahan sa pagsasagawa ng joint battalion exercises, seguridad ng Pangulo, pagkuha ng kagamitan, at sa military cooperation projects kasama ang mga kaalyadong bansa.
Binati rin niya ang siyam na Army at Air Force Colonels na itinaas sa ranggong Major General bilang pagkilala sa kanilang trabaho sa combat readiness, base training, defense engineering, medical improvement, political warfare support, logistics at legal affairs. Ayon sa Pangulo, nakamit ng mga opisyal na ito ang layuning paunlarin ang kahandaan sa labanan at palakasin ang pambansang depensa.
Binigyang diin ng Pangulo na patuloy na nakatatanggap ang militar ng makabagong kagamitan na nagpapabilis sa pagtatayo ng Taiwan Shield. Kasabay nito kailangan din umanong paghusayin ng Armed Forces ang taktika, paunlarin ang communications at electronic operations, at gawing mas mabilis, mas flexible at mas nakakatakot ang kabuuang puwersa ng depensa. Sinabi niyang ang pagpasok ng M1A2T, Himars at iba pang bagong systems ay palalalim sa kakayahan ng Taiwan na dumipensa at magpapatatag sa resiliency nito.
Dagdag ng Pangulo na kumikilos ang kaaway sa pamamagitan ng pabago bago at malabong paraan ng panggugulo sa grey zone. Dahil dito inaasahan niyang pamunuan ng mga opisyal ang pagsusuri sa galaw ng kaaway at paunlarin ang makabagong taktikal na pag iisip. Dapat ding pagsamahin ng militar ang mga ito sa natatanging heograpiya ng Taiwan upang makabuo ng mas moderno at mas mapagkakatiwalaang kapabilidad sa depensa para sa kaligtasan ng bansa at kapakanan ng mamamayan.