Nagkaroon ng magnitude 5.7 na lindol sa baybayin ng Hualien ngayong gabi. Ayon sa Central Weather Administration, nagmula ang pagyanig sa banggaan ng Philippine Sea Plate at Eurasian Plate. Inaasahang posible pa ang magnitude 5 hanggang 5.5 na aftershock sa loob ng susunod na tatlong araw.
Batay sa pinakabagong datos, tumama ang lindol kaninang 7:24 ng gabi sa 15.9 kilometro sa timog ng Hualien County Government. Naitala ang lalim sa 24.5 kilometro. Umabot sa intensity 4 ang pagyanig sa Hualien at Nantou.
Ipinaliwanag ni Wu Chien Fu ng Earthquake Monitoring Center na mababaw ang lindol kaya mas malakas ang naramdamang pagyanig malapit sa sentro. Naglabas din ng national alert para sa Hualien.
Nagpaalala si Wu na maging alerto sa loob ng tatlong araw dahil posible pa ang magnitude 5 hanggang 5.5 na aftershock. Mahalagang maging handa sa posibleng pagyanig.
Dagdag pa niya, madalas magkaroon ng lindol sa lugar ng sentro. Mula 2002 hanggang ngayon nagkaroon na ng 24 na lindol na magnitude 5.5 pataas sa parehong rehiyon at karamihan sa mga ito ay mas mababa sa 50 kilometro ang lalim.
Sa tala ng nakaraang sampung taon, karaniwang may apat na lindol bawat taon na magnitude 6 hanggang 7 at humigit kumulang 30 na lindol na magnitude 5 hanggang 6. Ngayong taon may apat nang lindol na magnitude 6 hanggang 7 at 40 na magnitude 5 hanggang 6. Ayon kay Wu normal pa rin ang kabuuang bilang dahil bahagi ito ng paglabas ng naipong enerhiya sa rehiyon.