Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Pinakabagong Gender Snapshot: Umabot sa 26.9% ang mga lalaking nag-avail ng parental leave noong 2024

13/01/2026 11:15
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Bilang ng mga unang beses na naaprubahang aplikasyon para sa benepisyo ng parental leave sa Taiwan at ang porsiyento ng mga lalaking aplikante. Ipinagkaloob ng Gender Equality Division ng Executive Yuan.
Bilang ng mga unang beses na naaprubahang aplikasyon para sa benepisyo ng parental leave sa Taiwan at ang porsiyento ng mga lalaking aplikante. Ipinagkaloob ng Gender Equality Division ng Executive Yuan.

Ipinahayag kamakailan ng Gender Equality Division ng Executive Yuan ang 2026 Gender Snapshot. Natuklasan dito na matapos ipatupad noong 2021 ang mga reporma sa patakaran sa parental leave, kabilang ang pagtaas ng benepisyo at mas maluwag na mga opsyon, umabot na sa 26.9% ang bahagi ng mga lalaking aplikante noong 2024. Ito ay mas mataas ng 1.3 porsiyentong puntos kumpara sa nakaraang taon.

Taun-taon ay inilalathala ng Gender Equality Division ng Executive Yuan ang Gender Snapshot ng kasalukuyang taon. Batay ito sa mga estadistikang pangkasarian na ibinibigay ng mga ahensya ng gobyerno at inilalahad sa anyong grap at paliwanag upang ipakita ang kalagayan at mga naging resulta ng gender equality sa iba’t ibang larangan sa Taiwan. Layunin nitong makatulong sa pagtingin at pag-unawa sa mga usaping pangkasarian at gabayan ang mga ahensya sa paggamit ng gender analysis upang makabuo ng angkop na mga hakbang.

Ayon sa 2026 Gender Snapshot, sinusukat ng World Economic Forum ang gender gap ng mga bansa batay sa ekonomiyang partisipasyon at oportunidad, antas ng edukasyon, kalusugan at kaligtasan, at partisipasyong politikal upang mabuo ang Gender Gap Index. Noong 2025, sa 148 bansa, nanguna ang Iceland, Finland, at Norway. Nasa ika-35 puwesto ang Taiwan sa buong mundo, bahagyang bumaba mula sa ika-20 puwesto dati, ngunit nanatiling pangalawa sa Asya at sumusunod lamang sa Pilipinas.

Dagdag pa rito, pinahusay ng pamahalaan noong 2021 ang patakaran sa parental leave sa pamamagitan ng pagtaas ng benepisyo mula 60% tungo sa 80% at pagpapaluwag ng mga kondisyon sa aplikasyon. Ipinapakita ng Gender Snapshot na matapos ang reporma, umabot sa mahigit 100,000 ang bilang ng unang beses na naaprubahang benepisyo noong 2024. Sa bilang na ito, humigit-kumulang 73.1% o halos 73,600 ay kababaihan, habang 26.9% o halos 27,100 ay kalalakihan. Ang bahagi ng mga lalaki ay tumaas ng 1.3 porsiyentong puntos kumpara sa nakaraang taon.

Batay sa Gender Snapshot, makikita na matapos ang reporma noong 2021, malaki ang itinaas ng proporsyon ng mga lalaking nakatanggap ng benepisyo sa parental leave sa loob ng nakalipas na tatlong taon.

Sa larangan ng STEM na kinabibilangan ng natural sciences, matematika at estadistika, information and communication technology, at engineering, manufacturing at construction, ang bahagi ng mga babaeng estudyante ay 22.8% noong 2015. Pagsapit ng 2024, umabot sa 377,238 ang bilang ng mga estudyanteng nasa STEM sa mga kolehiyo at unibersidad, kung saan 101,839 ay kababaihan o 27.0%. Ipinapakita nito ang tuluy-tuloy at matatag na pagtaas ng partisipasyon ng kababaihan.

Mula Mayo 24, 2019, naging legal sa Taiwan ang same sex marriage at ito ang kauna-unahang bansa sa Asya na gumawa nito. Ayon sa Gender Snapshot, hanggang sa katapusan ng 2024, umabot sa 32,126 ang kabuuang bilang ng mga taong nagparehistro ng same sex marriage sa buong bansa. Sa bilang na ito, 9,796 ay kalalakihan at 22,330 ay kababaihan.

Tungkol naman sa cross border same sex marriage, pinalawak ng Ministry of the Interior noong Enero 19, 2023 ang interpretasyon ng batas upang payagan ang mas maraming international same sex couples na magpakasal sa Taiwan. Noong 2024, umabot sa 504 ang bilang ng mga Taiwanese at dayuhang same sex partners na nakapagparehistro ng kasal. Ito ay halos tatlong beses na mas mataas kumpara sa 128 noong 2022.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解