Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Minister of Health ng Paraguay Bibisita sa Taiwan sa Enero 26, Palalalimin ang Ugnayan at Kooperasyong Medikal

20/01/2026 10:00
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Paraguay Health Minister María Teresa Barán. (Larawan: FB/mariatbaran)
Paraguay Health Minister María Teresa Barán. (Larawan: FB/mariatbaran)

Inanunsyo ng Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan ngayong ika-20 na bibisita sa Taiwan sa Enero 26 ang Ministrang Pangkalusugan ng kaibigang bansang Paraguay sa Timog Amerika na si María Teresa Barán. Sa kanyang pagbisita, makikipagpulong siya sa Ministry of Foreign Affairs, International Cooperation and Development Fund, Ministry of Health and Welfare, at ilang pangunahing ospital at sentrong medikal. Inaasahang makatutulong ang pagbisitang ito sa higit pang pagpapalalim ng ugnayang pangkalusugan at pagkakaibigan ng dalawang bansa.

Ayon kay Lu Chao Jui, deputy director general ng Department of Latin American and Caribbean Affairs ng Ministry of Foreign Affairs, mula nang maupo bilang ministrang pangkalusugan noong 2023, patuloy na naging tagapagsuporta ng Taiwan si Barán sa mga internasyonal na forum tulad ng World Health Organization Executive Board, World Health Assembly, at Pan American Health Organization. Aniya, walang sawang ipinagtanggol ni Barán ang partisipasyon ng Taiwan sa mga pandaigdigang organisasyon. Sa kanyang nalalapit na pagbisita sa Taiwan, magpapalitan ang dalawang panig ng karanasan at kaalaman sa larangan ng kalusugan at serbisyong medikal.

Ipinaliwanag din ni Lu na sa pagbisita ni Barán ay personal niyang masusuri ang mga nagawa ng Taiwan sa disease prevention and control, smart healthcare, at pangangalaga sa matatanda. Dagdag niya, tiyak na magbibigay ito ng mas matibay na pundasyon para sa mas malalim na kooperasyon at palitan sa larangan ng kalusugan ng Taiwan at Paraguay.

Samantala, kaugnay ng pahayag ng halal na Pangulo ng Honduras na si Nasry Asfura noong panahon ng kampanya tungkol sa posibleng muling pagpapanumbalik ng ugnayang diplomatiko sa Taiwan, sinabi ni Lu na wala pang natatanggap na imbitasyon ang Taiwan para sa seremonya ng kanyang panunumpa. Ipinaliwanag niya na sa kasalukuyan ay walang diplomatikong relasyon ang Taiwan at Honduras.

Binigyang-diin ni Lu na anumang oportunidad na makatutulong sa pagpapalawak ng ambag ng Taiwan sa internasyonal na komunidad, pagpapataas ng pandaigdigang katayuan nito, at pagpapaluwag ng espasyong diplomatiko ay seryosong isasaalang-alang ng Ministry of Foreign Affairs. Aniya, patuloy na pananatilihin ng Taiwan ang bukas at tapat na paninindigan at aktibong makikipag-ugnayan sa lahat ng bansa sa mundo, kabilang ang Honduras, nang walang paunang kundisyon.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解