Matapos ang siyam na buwang Taiwan US reciprocal tariff negotiations, inanunsyo ng Executive Yuan na nakamit na ang isang mahalagang phase ng kasunduan. Sa ginanap na briefing ngayong araw ng ika-20, sinabi ni Vice Premier Cheng Li Chun na matapos ang anim na face to face negotiations at ilang online meetings, nagkasundo ang dalawang panig sa ilang mahahalagang puntos. Una, ibinaba ang Taiwan US reciprocal tariffs sa 15 percent at hindi ito papatungan pa, isang most favored nation treatment na katumbas ng ibinibigay ng US sa European Union, Japan, at South Korea.
Ikalawa, kaugnay ng posibleng ipataw na Section 232 tariffs ng US sa semiconductors at related products, nangako ang US na bibigyan ang Taiwan ng pinaka mataas na antas ng preferential treatment. Ayon kay Cheng, ang Taiwan ang kauna unahang bansa sa mundo na nakakuha ng priority access sa posibleng future tariff free quotas para sa semiconductors at sa labas ng quota ay most favored tariff rates.
Ipinaliwanag ni Cheng na ang Section 232 semiconductor tariffs ay bahagi ng future oriented negotiations. Bagama’t hindi pa opisyal na inaanunsyo ang second phase tariff rates ng US, nakuha na ng Taiwan ang advance preferential framework. Saklaw nito ang zero tariff o tax free treatment para sa exports sa loob ng quota at 15 percent preferential tariff para sa labas ng quota. Dagdag niya, kung mas mababa pa sa 15 percent ang itatakdang tariff ng US sa hinaharap, awtomatikong ibibigay din iyon sa Taiwan. Aniya, layunin ng kasunduang ito na patatagin ang export competitiveness ng Taiwan semiconductor at ICT industries sa gitna ng global uncertainties.
Bukod dito, inilahad ng negotiation team ang tinatawag na Taiwan model. Bukod sa $250 bilyong direct investments mula sa private sector, maglalaan din ang gobyerno ng $250 bilyong credit guarantees. Ayon kay Cheng, kung gagamitin ang karaniwang insurance leverage ng high tech companies na nasa pagitan ng 15 hanggang 20 beses, ang aktwal na credit guarantee fund ay aabot sa humigit kumulang $6.25 bilyon hanggang $10 bilyon. Ang pondo ay planong ilabas sa limang yugto.
Samantala, patuloy ang usapin sa legalidad ng reciprocal tariffs na ipinataw ng US President Donald Trump gamit ang International Emergency Economic Powers Act kahit walang deklarasyon ng national emergency ng US Congress. Inaasahang maglalabas ng desisyon ang US Supreme Court sa mga darating na araw, bagay na ikinababahala kung maaapektuhan ang napagkasunduang Taiwan US tariff deal.
Sinabi ni Premier Cho Jung Tai na kung magiging hindi paborable ang desisyon sa panig ng US government, tiyak na may magiging epekto, ngunit nilinaw niya na inilipat na ng US ang maraming produkto sa ilalim ng Section 232 framework. Aniya, nakakuha na ang Taiwan ng matitibay na safeguards sa ilalim ng 232 provisions, na aniya ay ilan sa pinakamainam na proteksyon na ibinibigay ng US sa mga surplus trading partners.
Binigyang diin naman ni Cheng na naisama na sa negosasyon ang lahat ng posibleng future tariffs sa ilalim ng Section 232 at napagkasunduan ang isang mekanismo para sa tuloy tuloy na konsultasyon upang mapanatili ang most favored treatment. Ayon sa kanya, mahigpit na babantayan ng Taiwan ang desisyon ng korte at ang mga hakbang ng US upang makuha ang pinakamataas na benepisyo sa gitna ng mga umiiral na uncertainties.
Sa huli, sinabi ni Cheng na nasa last mile na ang negosasyon. Sa loob ng ilang linggo, inaasahang pipirmahan ng Taiwan at ng US Trade Representative ang Taiwan US Reciprocal Trade Agreement o ART na sasaklaw din sa two way investments. Kapag natapos ang pirmahan, opisyal nang makukumpleto ang buong Taiwan US tariff negotiations.