Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Mas Pinalalalim na Ugnayan ng Taiwan at Honduras, Posibleng Asahan Pag-upo ng Bagong Pangulo

23/01/2026 12:00
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Kaugnay ng magiging ugnayang bilateral ng Taiwan at Honduras sa hinaharap, sinabi ni Lin Chia-lung, Kalihim ng Ugnayang Panlabas, sa isang panayam sa programang panradyo noong ika-22 na maaaring asahan ang karagdagang pag-unlad. (File photo ng Radio Taiwan International kuha ni reporter Wang Chao-kun)
Kaugnay ng magiging ugnayang bilateral ng Taiwan at Honduras sa hinaharap, sinabi ni Lin Chia-lung, Kalihim ng Ugnayang Panlabas, sa isang panayam sa programang panradyo noong ika-22 na maaaring asahan ang karagdagang pag-unlad. (File photo ng Radio Taiwan International kuha ni reporter Wang Chao-kun)

Ayon kay Lin Chia-lung, maaaring asahan ang karagdagang pag-unlad sa relasyon ng Taiwan at Honduras sa hinaharap. Sa isang panayam sa programang panradyo na “POP News Talk Show” kahapon ng ika-22, ipinaliwanag ng Kalihim ng Ugnayang Panlabas na may iba’t ibang salik na nagtutulak sa mas malapit na ugnayan ng dalawang panig, kabilang ang Rongbang Initiative ng Taiwan, ang patakaran ng Estados Unidos sa Kanlurang Hemisperyo, at ang mga platapormang inihain mismo ng halal na pangulo ng Honduras na si Nasry Asfura. Gayunman, aniya, kailangan munang maghintay hanggang sa opisyal na panunumpa ni Asfura sa katapusan ng buwan bago makagawa ng pinal na mga desisyong diplomatiko.

Sa gitna ng nalalapit na panunumpa ni Asfura, may ulat mula sa ilang dayuhang midya na maaaring dumalo ang mga mataas na opisyal ng Taiwan sa seremonya. Nilinaw ni Lin na hindi dadalo si Lai Ching-te sa inagurasyon.

Ibinahagi rin ni Lin na noong panahon ng kampanya, hayagang sinabi ni Asfura na ang United States, Israel, at Taiwan ang itinuturing niyang pinakamahalagang mga kaalyado ng Honduras. Matapos ang kanyang pagkapanalo, bumisita si Asfura sa Estados Unidos at nakipagpulong kay Marco Rubio, bagay na lalo umanong nagpapatibay sa konteksto ng ugnayan, lalo na’t kaalyado rin ng Amerika ang Taiwan.

Dagdag pa ni Lin, malinaw sa kabuuang pananaw sa patakarang panlabas ni Asfura na mahalagang bahagi ang Taiwan, lalo na kung isasaalang-alang na ang mga karatig-bansa ng Honduras na Guatemala at Belize ay may pormal na ugnayang diplomatiko sa Taiwan. Dahil dito, kumpiyansa siyang may mga kundisyong magbubukas ng bagong yugto sa relasyon ng Taiwan at Honduras matapos ang Enero 27.

Samantala, kaugnay ng mga planong pagbisita sa ibang bansa at posibleng pagdaan ng pangulo ng Taiwan sa Estados Unidos, sinabi ni Lin na handa ang Kagawaran ng Ugnayang Panlabas na gawin ang mga kinakailangang paghahanda. Wala pa aniyang pinal na desisyon kung aling mga bansang kaalyado ang bibisitahin at kung kailan ito isasagawa, at kapag may malinaw na iskedyul na, ang Palasyong Pampanguluhan ang magbibigay ng opisyal na pahayag.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解