Tinanggap ni Lai Ching-te noong hapon ng ika-21 ang delegasyon ng pagbisitang transatlantiko ng German Marshall Fund. Sa pagpupulong, sinabi ng pangulo na patuloy na itataas ng Taiwan ang badyet sa depensa at ang kakayahan sa sariling pagtatanggol upang buuin ang isang makabagong sistema ng air defense na tinawag niyang Taiwan Shield. Binanggit din niya na natapos na ang negosasyon sa taripa ng Taiwan at Estados Unidos at inaasahang sa pamamagitan ng Economic Prosperity Partnership Dialogue o EPPD ay lalo pang mapapalalim ang kooperasyon ng Taiwan at US, gayundin ng Taiwan at Europa, sa larangan ng seguridad, kalakalan, at teknolohiya upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa Taiwan Strait at sa buong rehiyon.
Ayon pa kay Pangulong Lai, kamakailan ay naglabas ang German Marshall Fund ng isang mahalagang ulat na nagsusuri mula sa ekonomiya, militar, lipunan, at pandaigdigang pananaw na napakalaki ng magiging kapalit kung sakaling lusubin ng China ang Taiwan. Ipinanawagan din ng ulat na dapat ipakita ng internasyonal na komunidad ang kakayahan at determinasyon na hadlangan ang anumang aksyong militar ng China. Naniniwala ang pangulo na tanging sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga bansang demokratiko maipapamalas ang kolektibong talino at lakas upang labanan ang panlabas na pagpapalawak ng awtoritaryanismo.
Dagdag pa ng pangulo, bukod sa kooperasyong militar, nakatakda ring palawakin sa ilalim ng EPPD ang pagtutulungan ng Taiwan at US sa supply chain, digital trade, agham, at teknolohiya. Inaasahan din niyang patuloy na tutulong ang mga bisita sa pagpapalalim ng ugnayan ng Taiwan sa mga bansang Europeo. Binanggit niya na sa nakalipas na apat na taon, ang kabuuang pamumuhunan ng Taiwan sa Europa ay lumampas na sa pinagsamang halaga ng nakaraang apatnapung taon, at sa hinaharap ay palalawakin pa ang kooperasyon sa mga larangan ng semiconductors, artificial intelligence, impormasyon at komunikasyon, at katatagan ng supply chain.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Alexandra de Hoop Scheffer, pangulo ng German Marshall Fund, na binubuo ang delegasyon ng mga kinatawan mula sa Estados Unidos, France, Germany, at United Kingdom na pawang matatag na kaalyado ng Taiwan. Ipinaliwanag niya na may dalawang pangunahing layunin ang kanilang pagbisita. Una, marami sa mga kasapi ang unang beses pa lamang bumisita sa Taiwan at nais nilang mas maunawaan ang mga dinamikong humuhubog sa Taiwan at sa mas malawak na rehiyon ng Indo Pacific. Ikalawa, layon nilang palawakin ang kooperasyong transatlantiko kaugnay ng mga isyung may kinalaman sa Taiwan.
Binigyang diin ni Scheffer na ang seguridad sa Indo Pacific at ang katatagan ng Taiwan Strait ay mahalaga hindi lamang sa transatlantikong seguridad kundi pati sa pandaigdigang seguridad. Aniya, hindi lamang ito usapin ng katatagan ng ekonomiya at pandaigdigang supply chain kundi pati ng kakayahang magpigil. Idinagdag niya na ang isyu ng Taiwan ay hindi lamang rehiyonal kundi isang pandaigdigang usapin na may kinalaman sa kredibilidad ng buong sistema ng mga alyansa. Ayon sa kanya, mahalagang patatagin ang ugnayan ng mga katuwang sa mga kritikal na larangan tulad ng economic security, mahahalagang imprastruktura, cybersecurity, at inobasyon sa teknolohiyang pangdepensa, at umaasa siyang lalo pang lalalim ang pakikipagtulungan ng German Marshall Fund at ng Taiwan.