Kaugnay ng pahayag ni Volodymyr Zelensky na may mga electronic parts mula Taiwan na napupunta umano sa Russia, sinabi ni Lai Ching-te ngayong ika 23 ng umaga na hiniling niya kay Zelensky na magbigay ng kaugnay na impormasyon. Tiniyak ng pangulo na handa ang Taiwan na palakasin ang regulasyon sa mga produktong dumaraan sa ikatlong bansa at sadyang itinatago ang tunay na destinasyon upang maiwasang makarating ang mga ito sa Russia.
Nauna rito, binanggit ni Zelensky ang isyu sa kanyang talumpati sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland, kung saan ipinahayag niya ang pangamba na ang pagpasok ng mga electronic parts mula Taiwan sa Russia ay tumutulong sa patuloy na produksyon ng missile at sa pagpapahaba ng digmaan.
Bilang tugon, sinabi ni Pangulong Lai bago dumalo sa pagbubukas ng 2026 Home Appliances and Audio Visual Year End Shopping Expo na matatag ang paninindigan ng Taiwan sa pakikiisa sa mamamayan ng Ukraine. Ayon sa kanya, sumali na ang Taiwan sa mga parusang ipinataw ng Europa at Estados Unidos laban sa Russia at aktibo ring nakilahok kasama ang mga kaalyadong bansa sa mga humanitarian mission sa Ukraine. Ibinahagi rin niya na may mga kabataang Taiwanese na nagtungo sa Ukraine upang makibahagi sa laban at may ilan pang nagbuwis ng buhay bilang pagpapakita ng pakikiisa sa mamamayan ng Ukraine. Dagdag niya, kapag natapos ang digmaan ay handa ang Taiwan na makiisa sa Europa at Estados Unidos sa muling pagbangon ng Ukraine.
Tungkol sa direktang pagbanggit ni Zelensky sa Taiwan, sinabi ni Pangulong Lai na nais niyang makatanggap ng mas detalyadong impormasyon at muling pinagtibay ang pangako ng pamahalaan na higpitan ang kontrol. Aniya, handa ang Taiwan na paigtingin ang pagbabantay sa mga produktong dumaraan sa ikatlong bansa at itinatago ang tunay na layunin upang hindi makarating sa Russia at sa gayon ay maprotektahan ang Ukraine.
Sa huli, nanalangin ang pangulo na nawa ay pagkalooban ng Diyos ang Ukraine ng agarang kapayapaan upang makaalis na ang mga mamamayan nito sa bangungot ng digmaan. Idinagdag pa niya na sa isang pahayag sa social media platform na X, muling iginiit ng Taiwan ang matagal nang pakikipagtulungan sa mga internasyonal na katuwang at ang matatag na suporta nito sa Ukraine, kabilang ang humanitarian assistance at koordinasyon sa mga parusa laban sa Russia. Binigyang diin din niya na bukas ang Taiwan sa mas malalim na palitan ng impormasyon kay Pangulong Zelensky upang sugpuin ang ilegal na transshipment at ang pagtatago ng tunay na destinasyon ng mga kalakal. Ayon kay Pangulong Lai, malinaw ang posisyon ng Taiwan na hindi nito kukunsintihin ang anumang tulong sa agresor o paglabag sa mga internasyonal na embargo at export control rules, at muli niyang ipinanalangin ang agarang pagbabalik ng kapayapaan sa Ukraine.