Sinabi ng US State Department na malinaw nilang naipahayag sa Taiwan ang pagtanggap at pagsuporta sa panukalang 8 taong espesyal na defense budget na nagkakahalaga ng NT$1.25 trilyon. Sinusuportahan din ito ng Director ng American Institute in Taiwan na si Raymond Greene. Samantala, binatikos ni Taiwan People’s Party Chairman Huang Kuo Chang ang umano’y malaking agwat sa posisyon ng Washington at ang labis na pakikialam sa panloob na usapin ng Taiwan. Ayon sa US State Department noong ika-4, malinaw nilang ipinaabot sa Taiwan na tinatanggap ng US ang panukalang US$40 bilyon na defense budget.
Bumisita si Huang sa US noong Enero 12 hanggang 14 upang talakayin ang military procurement at tariff issues. Sa isang panayam noong Pebrero 3, sinabi niya na sa usapin ng defense budget, malaki ang diperensya sa pananaw nina AIT Director Greene at ng Washington, at aniya ay masyadong nakikialam si Greene sa domestic affairs ng Taiwan. Inakusahan din niya si Greene na nakikipagtulungan sa Premier na si Cho Jung Tai at kumikilos na parang opisyal ng gobyerno ng Taiwan.
Bilang tugon, sinabi ng tagapagsalita ng US State Department sa Central News Agency na tulad ng mga naunang pahayag ng State Department at AIT, malinaw nilang ipinaabot sa Taiwan na tinatanggap nila ang pag-anunsyo ng US$40 bilyong espesyal na defense procurement budget.
Upang palakasin ang kakayahan ng Taiwan sa sariling depensa, inaprubahan ng Executive Yuan noong huling bahagi ng nakaraang taon ang draft ng espesyal na batas para sa pagpapalakas ng defense resilience at asymmetric warfare capability procurement, at ipinasa ito sa Legislative Yuan para sa deliberasyon. Gayunpaman, noong Disyembre 2 noong nakaraang taon, unang hinarang ang panukala sa Procedure Committee sa tulong ng pinagsanib na boto ng KMT at TPP, kaya hindi ito naisama sa plenary agenda. Hanggang ngayon, umabot na sa 10 beses na hinarang ang panukala sa Legislative Yuan.
Noong Enero 30, gamit ang mayorya sa bilang, ipinasa ng TPP at KMT ang panukala na ipadala sa committee review ang bersyon ng TPP caucus. Nakalista sa bersyon ang anim na procurement items kabilang ang HIMARS multiple rocket launch system, may kabuuang budget cap na NT$400 bilyon, at planong ipatupad sa taunang phase basis.
Ang mga pangyayaring ito ay nagdulot ng pangamba sa US Congress. Nagpahayag ng pag-aalala sina Republican Senate Armed Services Committee Chairman Roger Wicker at Republican Senator Dan Sullivan.
Tungkol sa pahayag ni Wicker na nadismaya siya sa pagbawas ng defense budget ng oposisyon sa Taiwan, sinabi ng KMT noong ika-3 na matagal na nilang sinusuportahan ang defense budget at ikinalulungkot nila ang mga pahayag ni Wicker na ginawa umano nang kulang sa sapat na impormasyon.
Samantala, sinabi rin ni Democratic Senator Ruben Gallego sa social media noong Pebrero 3 na ang pagbawas sa defense budget ay magpapahina sa pamumuhunan sa mahahalagang weapon systems habang patuloy na tumataas ang banta mula sa China. Aniya, dapat muling pag aralan ng Legislative Yuan ng Taiwan ang desisyong ito at hindi ito ang tamang panahon para pahinain ang depensa ng Taiwan.
Si Gallego ay bumisita sa Taiwan noong Enero 22 hanggang 24 at siya ang unang US congressman na bumisita sa Taiwan ngayong taon.