Matapos mapinal ang usapin sa taripa sa pagitan ng Taiwan at Estados Unidos, inilunsad ni Pangulong Lai Ching Te ang Industry Care Tour at bumisita ngayong ika-5 sa Changhua upang makipagpulong sa industriya ng textile. Sinabi ng Pangulo na bukod sa patuloy na suporta sa tech sector, ibinibigay din ng pamahalaan ang buong suporta sa micro, small, at medium enterprises. Kabilang dito ang paglalaan ng espesyal na badyet, pagtatatag ng industrial competitiveness support team, at plano ng Executive Yuan na bumuo ng working group upang tulungan ang iba ibang industriya na maresolba ang kanilang mga problema. Hinikayat ng Pangulo ang mga negosyo na gamitin ang mga resources ng pamahalaan at sinabi na iisa lang ang layunin ng gobyerno, ang tulungan ang mga industriya na agad umunlad.
Ayon sa Pangulo, may mahigit 1.6 milyong MSMEs sa Taiwan na nagbibigay ng higit 9 milyong trabaho, katumbas ng halos 80 porsyento ng kabuuang employment sa Taiwan. Kung mananatiling matatag ang pag unlad ng MSMEs, mananatiling malakas ang ekonomiya ng Taiwan at magiging matatag ang lipunan. Dahil dito, tiniyak ng gobyerno na haharapin at susuportahan ang mga hamong kinakaharap ng MSMEs upang malampasan ang mga ito.
Binanggit din ng Pangulo na ang textile industry sa Taiwan ay may taunang production value na NT$343.1 bilyon at taunang export value na US$6.74 bilyon, at nagbibigay ng 132,300 trabaho. Mahalaga ito sa kabuuang economic development at social stability ng Taiwan. Gayunpaman, aminado siyang nahaharap ang textile sector sa iba’t ibang hamon tulad ng taripa, murang sinulid mula China, carbon emission management, at kompetisyon sa high value market. Sinabi niya na ngayong malinaw na ang usapin sa taripa, nakamit na ng Taiwan ang patas na posisyon laban sa Japan, South Korea, at iba pang karatig bansa, at papasok na ito sa mas patas na kompetisyon. Dagdag niya, patuloy na tutulong ang gobyerno sa pag unlad ng industriya at susuportahan ang MSMEs sa pamamagitan ng konkretong aksyon.
Ipinaliwanag ng Pangulo na naglaan ang Executive Yuan ng NT$93 bilyong espesyal na badyet para sa talent development, financial support, employment stability, at pagpapalawak ng international market access upang matulungan ang mga kumpanyang apektado ng taripa. Sa halagang ito, NT$46 bilyon ang nakalaan para sa MSMEs. Gumawa rin ang pamahalaan ng booklet na naglalaman ng mga mungkahi mula sa Ministry of Economic Affairs, industriya, at mga lokal na opisyal. Itinatag din ang industrial competitiveness support team upang tumulong sa mga negosyo. Muling hinikayat ng Pangulo ang industriya na gamitin ang government resources upang maresolba ang kanilang mga problema at sinabi na ang layunin ng gobyerno ay tulungan ang mga negosyo na agad umasenso.
Dagdag pa ng Pangulo, kasalukuyan niyang tinatalakay kasama ang Minister of Economic Affairs ang pagsusuri ng bawat industriya nang hiwalay. Plano rin ng Executive Yuan na magtatag ng working group upang magbigay ng mas malawak na tulong sa mga industriya. Aniya, ang layunin ng Industry Care Tour ay ipakita na hindi lamang tech industry ang sinusuportahan ng pamahalaan kundi pati MSMEs. Umaasa siya na magtutulungan ang malalaking kumpanya, maliliit na kumpanya, at micro enterprises upang patuloy na lumakas ang ekonomiya ng Taiwan.