Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

ICC Sinimulan ang Pagdinig sa Kaso ni Duterte Kaugnay ng Drug War

23/02/2026 13:00
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Dedesisyunan kung lilitisin ang dating Pangulo ng Pilipinas na si Duterte, magsisimula ngayon ang 4 araw na hearing ng ICC. (Photo: AP / Dazhi Images)
Dedesisyunan kung lilitisin ang dating Pangulo ng Pilipinas na si Duterte, magsisimula ngayon ang 4 araw na hearing ng ICC. (Photo: AP / Dazhi Images)

Magsisimula ngayong araw ang International Criminal Court o ICC ng pagdinig upang pagpasiyahan kung dapat bang litisin ang dating pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na may kinalaman sa kanyang madugong kampanya kontra droga.

Ang apat na araw na confirmation of charges hearing na ito ang magtatakda kung may sapat na ebidensya upang ituloy ang kaso laban kay Duterte.

Hindi dadalo ang 80 anyos na si Duterte sa pagdinig na gaganapin sa The Hague matapos aprubahan ng hukuman ang hiling ng depensa na hindi na siya personal na humarap, kahit na nagpasya ang mga hukom na kaya pa niyang dumalo batay sa kanyang kondisyon.

Pagkatapos ng pagdinig, may 60 araw ang mga hukom upang maglabas ng nakasulat na desisyon.

Inaakusahan ng mga tagausig ng ICC si Duterte ng tatlong bilang ng crimes against humanity, at sinasabing sangkot siya sa hindi bababa sa 76 na pagpatay mula 2013 hanggang 2018.

Pinaniniwalaang umabot sa sampu-sampung libo ang aktwal na bilang ng mga namatay sa drug war sa Pilipinas. Ayon sa mga abogado ng mga biktima, ang ganap na paglilitis ay maaaring maghikayat sa mas maraming pamilya na lumantad at tumestigo.

Si Duterte, na nagsilbing pangulo mula 2016 hanggang 2022, ay inaresto sa Maynila noong Marso ng nakaraang taon at kalaunan ay dinala sa Netherlands. Mula noon ay nakakulong siya sa detention center ng ICC sa loob ng Scheveningen Prison.

Tatlong araw matapos ang kanyang paglipat, lumahok siya sa unang pagdinig sa pamamagitan ng video link kung saan napansin na tila lutang, mahina, at hirap magsalita.

Sa tatlong kaso laban sa kanya, ang una ay may kaugnayan sa umano’y pakikilahok niya bilang co perpetrator sa 19 na pagpatay habang siya ay alkalde ng Davao City mula 2013 hanggang 2016.

Ang ikalawang paratang ay tungkol sa pagpatay sa 14 na tinaguriang high value targets noong siya ay pangulo mula 2016 hanggang 2017.

Ang ikatlong kaso ay sumasaklaw sa 43 pagpatay na naganap sa buong bansa mula 2016 hanggang 2018 bilang bahagi ng operasyon laban sa mga pinaghihinalaang mababang antas na gumagamit at nagtutulak ng droga.

Sinabi ng abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman sa mga mamamahayag bago ang pagdinig na itinatanggi ng dating pangulo ang lahat ng paratang laban sa kanya.

Ayon sa Human Rights Watch, ang pagdinig na magsisimula ngayon ay isang mahalagang hakbang upang makamit ang hustisya para sa mga biktima ng war on drugs sa Pilipinas.

Naganap ang kasong ito sa gitna ng matinding presyur sa ICC sa pulitika, kabilang ang dalawang round ng sanctions na ipinataw ng Estados Unidos mula Hunyo 2025.

Umalis ang Pilipinas sa ICC noong 2019 sa utos ni Duterte, ngunit nagpasya ang hukuman na may hurisdiksyon pa rin ito sa mga umano’y krimeng naganap sa bansa mula 2011 hanggang 2019. Umapela na ang depensa laban sa pasyang ito ngunit wala pang desisyon.

Si Duterte ang kauna unahang dating pinuno ng estado mula sa Asya na haharap sa ICC. Sa kabila nito, nananatili siyang may mataas na suporta sa Pilipinas dahil marami ang sumusuporta sa kanyang mahigpit na kampanya laban sa krimen.

May dalawang nakatakdang demonstrasyon sa The Hague ngayong araw, isa para sa suporta kay Duterte at isa naman para sa mga biktima.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解