Magho-host ang kaalyadong bansa ng Taiwan na Palau ng ika-55 na summit ng Pacific Islands Forum (PIF). Inihayag ng Ministry of Foreign Affairs noong ika-24 na ganap nang nagpasya ang Taiwan na “buong lakas na suportahan” ang pagdaraos ng mahalagang pulong.
Ayon sa MOFA, nakipagpulong na ang Palau sa Taiwan, United States, Japan, at Australia upang talakayin kung paano magtutulungan ang mga magkakaalyado para matiyak ang matagumpay na pagdaraos ng summit. Bilang isang “development partner” ng forum, makikipag-ugnayan ang Taiwan sa pamahalaan ng Palau upang maipakita sa angkop na paraan ang mga bunga ng matagal na kooperasyon ng dalawang panig.
Matatandaang noong Disyembre ng nakaraang taon, personal na bumisita sa Palau si Foreign Minister Lin Chia-lung at nangakong tutulong ang Taiwan sa paghahanda ng summit, kabilang ang pagbuo ng green transport system para sa mga delegado—na magagamit din ng lokal na komunidad matapos ang forum.
Ibinunyag din ni Lin Chao-hung, Director-General ng Department of East Asian and Pacific Affairs ng MOFA, na nakikipag-ugnayan ang Taiwan sa mga bansang may kaparehong pananaw upang planuhin ang mga kaugnay na aktibidad ng summit. Layunin umano ng pamahalaan ng Palau na gamitin ang pagkakataon upang ipakita ang mga resulta ng kooperasyon sa pagitan ng democratic partners at mga bansang isla sa Pasipiko sa larangan ng regional development, good governance, at resilience-building.
Dagdag pa ng MOFA, matagal nang nagtutulungan ang Taiwan at Palau sa agrikultura at pangisdaan, malinis na enerhiya, human resource development, turismo, kalusugan, at imprastraktura. Ipinahayag din ng Taiwan ang kahandaang suportahan ang Palau sa pagpapakita ng mga proyektong ito sa panahon ng summit.
Naniniwala ang Taiwan na isasagawa ng Palau ang forum alinsunod sa tradisyon at “Pacific Way” ng PIF, at mag-iimbita ng mga miyembrong bansa, dialogue partners, at development partners. Tulad ng nakagawian, magpapadala rin ang Taiwan ng delegasyon upang lumahok sa mga kaugnay na pulong at aktibidad.