Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

MOFA: Nais na Magtamasa ng Kalayaan at Demokrasya ang mga Iranian; Mas Ligtas na Manatili Muna ang mga Kababayan sa Gitnang Silangan, Wala Pang Plano ng Evacuation

03/03/2026 13:00
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Ang Pag-atake ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran ay Nagpasiklab ng Reaksyon at mga Pagtitipon ng Komunidad ng Iran sa Buong Hilagang Amerika
Ang Pag-atake ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran ay Nagpasiklab ng Reaksyon at mga Pagtitipon ng Komunidad ng Iran sa Buong Hilagang Amerika

Kaugnay ng mga airstrike na isinagawa ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran at ng isinagawang pagganti ng Iran, sinabi ngayon ng Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan na bilang kasapi ng pandaigdigang demokratikong komunidad, sinusuportahan ng Taiwan ang mga pagsisikap ng internasyonal na pamayanan na tulungan ang mamamayang Iranian sa kanilang paghahangad ng kalayaan at demokrasya. Umaasa rin ang MOFA na agad na matamasa ng mga Iranian ang kalayaan, demokrasya at karapatang pantao, at kinondena ang kamakailang walang pinipiling pag-atake militar ng Iran.

Matapos ilunsad ng Estados Unidos at Israel ang tinaguriang “Operation Epic Wrath” na mga airstrike, nagsagawa naman ang Iran ng malawakang pagganti gamit ang mga missile at drone. Nagpahayag na rin ng kani-kanilang posisyon ang United Kingdom, France at iba pang mga bansa, gayundin ang mga pandaigdigang organisasyon tulad ng European Union.

Sa tugon sa mga tanong ng media, sinabi ng tagapagsalita ng MOFA na si Hsiao Kuang-wei na umaasa ang Taiwan na ang mamamayang Iranian ay agad na magtamasa ng kalayaan, demokrasya at karapatang pantao. Muli ring iginiit ng MOFA ang pagkondena nito sa mga walang pinipiling pag-atake militar na isinagawa kamakailan ng Iran.

Sa hiwalay na pahayag sa social media, sinabi ni Foreign Minister Lin Chia-lung na ang pinakamahalagang tungkulin ng MOFA ay tiyakin ang kaligtasan ng bawat mamamayang Taiwanese, mga kababayan sa ibayong dagat at mga kawani ng mga tanggapan ng Taiwan sa ibang bansa. Patuloy din aniya silang makikipag-ugnayan sa mga pandaigdigang katuwang upang maging matatag na sandigan ng mga Taiwanese sa ibayong dagat at matiyak ang kanilang kaligtasan.

Ayon sa MOFA, dahil nananatiling sarado ang airspace ng ilang bansa sa Gitnang Silangan, mas ligtas sa ngayon para sa mga Taiwanese na manatili muna sa kanilang kinaroroonan kaya wala pang plano para sa malawakang evacuation. Maaari silang umalis kapag muling binuksan ang airspace. Kung may mga nais namang lumikas sa pamamagitan ng lupa, handang tumulong ang MOFA.

Bago dumalo sa pagdinig sa Legislative Yuan, sinabi ni Deputy Minister Wu Chih-chung na tinatayang nasa humigit kumulang 3,000 ang mga Taiwanese sa Gitnang Silangan, kabilang ang mahigit 200 na kasalukuyang nasa Israel. Nakikipag-ugnayan ang mga kinatawan ng Taiwan sa ibang bansa upang subaybayan ang sitwasyon, at ang pinakamahalaga ay ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Ipinaliwanag ni Wu na dahil sarado pa rin ang airspace sa maraming bansa sa rehiyon, mas ligtas sa ngayon na manatili muna ang mga Taiwanese sa kanilang kinaroroonan habang naghihintay na muling magbukas ang mga paliparan. Aniya, kung may nais umalis sa pamamagitan ng lupa at posible itong gawin, tutulong ang pamahalaan ng Taiwan. Halimbawa, may dalawang Taiwanese mula Israel na nakaalis na patungong Jordan at Kuwait sa pamamagitan ng lupa. Gayunman, karamihan sa mga nasa Israel ay naniniwalang mas ligtas na manatili muna roon.

Dagdag pa ni Wu, karamihan sa mga bansa ay wala ring kasalukuyang plano para sa evacuation. Ang kasalukuyang patakaran ng Taiwan ay tiyaking ligtas ang mga mamamayan habang naghihintay na muling magbukas ang airspace. Isa isa nang nakipag-ugnayan ang mga tanggapan ng Taiwan sa ibang bansa upang tiyakin ang kalagayan ng mga mamamayan, at ipinahayag din ng pamahalaan ng Israel ang kanilang kahandaang tumulong sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga Taiwanese.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解