Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Ministry of Foreign Affairs: Matatag ang Suporta ng US sa Pantay at Marangal na Partisipasyon ng Taiwan sa APEC

05/03/2026 12:00
Editor ng Pagsulat: 呂曉倩
Photo from MOFA.
Photo from MOFA.

Ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) ang pinakamahalagang economic at trade forum sa rehiyong Asia-Pacific. Ngayong taon, ang pagpupulong ay pangungunahan ng China.

Bumisita sa Taiwan mula ika-2 hanggang ika-3 ng buwang ito si US Senior APEC Official Casey Mace at nakipagpulong sa mga opisyal ng pamahalaan at lider ng industriya upang talakayin ang mga usapin kaugnay ng APEC at regional economic cooperation.

Ayon sa Ministry of Foreign Affairs (MOFA) ng Taiwan, muling iginiit ni Mace ang matatag na suporta ng pamahalaang US sa pantay at may dignidad na partisipasyon ng Taiwan sa APEC. Dagdag pa ng MOFA, nakatulong ang pagbisitang ito upang mapalalim ang mutual understanding at kooperasyon sa pagitan ng dalawang panig hinggil sa APEC at iba pang isyung may magkatuwang na interes.

Nauna nang naglabas ng pahayag ang American Institute in Taiwan (AIT) noong ika-2, na nagsasabing makikipagpulong si Mace sa mga senior officials at business leaders sa Taiwan upang makipagpalitan ng pananaw tungkol sa APEC-related matters.

Noong gabi ng ika-3, nagpalabas din ng press release ang MOFA tungkol sa pakikipagpulong ni Mace kay Deputy Foreign Minister François Chihchung Wu. Ayon sa tagapagsalita ng MOFA na si Hsiao Kuang-wei, muling pinagtibay ni Mace ang suporta ng US sa pantay at marangal na paglahok ng Taiwan sa APEC at kinilala ang matagal nang ambag ng Taiwan sa pagsusulong ng regional economic growth at cooperation.

Nagkasundo rin ang dalawang panig na higit pang palalimin ang pakikipag-ugnayan at kooperasyon sa loob ng APEC, palakasin ang matibay na economic partnership ng Taiwan at US, at sama-samang harapin ang mga pandaigdigang hamon.

Ipinakilala rin ng MOFA ang malawak na karanasan ni Mace bilang isang senior career diplomat ng US Department of State. Nagsilbi siyang Chargé d’Affaires sa US Embassy sa Singapore, naging senior director para sa Southeast Asia sa National Security Council noong unang termino ni Donald Trump, at naitalaga rin sa Indonesia, Australia, at China.

Mahigit 35 taon nang aktibong kalahok ang Taiwan sa APEC at patuloy na nakikipag-ugnayan sa ibang miyembro batay sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay. Ayon sa MOFA, ang pantay na partisipasyon ng lahat ng miyembro ay isang pangunahing prinsipyo ng APEC, at ito ay muling pinagtibay ng lahat ng miyembro sa mga joint ministerial statements noong 2024 at 2025.

Bilang isang ganap at konstruktibong miyembro, patuloy na nagbibigay ng kontribusyon ang Taiwan sa APEC, kabilang ang paglalaan ng pondo para sa human security, women and economy initiatives, at policy support programs upang palakasin ang research at policy analysis capability ng organisasyon.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解