Sinabi ni Japanese lawmaker Keiji Furuya na walang kinalaman ang pamahalaan ng Japan sa pagpunta ni Premier Cho Jung-tai ng Taiwan sa Tokyo upang manood ng World Baseball Classic (WBC). Ang biyahe ni Cho ay naunang itinuturing ng ilan bilang isang diplomatikong tagumpay. Gayunman, sinabi ni Furuya noong Lunes na ayon sa kanyang pagkaunawa, pribadong biyahe lamang ito ni Cho kaya wala siyang maibibigay na komento tungkol dito.
Nagsalita si Furuya, na siyang pangulo ng Japan Taiwan Parliamentarians’ Consultative Council, kasabay ng pagbubukas ng dalawang araw na ika-9 na Yushan Forum sa Taipei noong ika-16 ng Marso. Dumalo sa forum ang iba’t ibang kilalang personalidad mula sa iba’t ibang bansa kabilang ang dating pangulo ng Poland na si Lech Wałęsa, dating bise presidente ng Pilipinas na si Leni Robredo, at iba pang mga lider at opisyal.
Sa kanyang talumpati sa opening ceremony, sinabi ni Furuya na umaasa siyang mapalakas ang ugnayan sa pamamagitan ng cultural exchange ng mga banda ng Japan Self Defense Forces, militar ng Taiwan, at ng United States. Ayon sa kanya, ang ganitong uri ng palitan ay maaaring magsilbing simbolo ng kapayapaan at pagkakaibigan sa pagitan ng mga bansa.
Sa isang press conference sa Taipei noong hapon ding iyon, ipinaliwanag pa ni Furuya na bukod sa pagdalo sa forum, nakipagkita rin siya sa direktor ng American Institute in Taiwan na si Raymond Greene at kay Pangulong Lai Ching-te. Sinabi niya na parehong nagbigay ng positibong tugon ang dalawang opisyal sa kanyang mungkahi tungkol sa cultural exchange ng mga banda ng militar. Dagdag pa niya, nagpahayag si Pangulong Lai ng interes na itulak ang ideya at magtatag ng isang opisyal na contact point upang maisulong ang plano.
Binigyang diin ni Furuya na matagal nang may ganitong uri ng palitan sa pagitan ng Japan at Estados Unidos. Aniya, mahalaga na makasama ang Taiwan sa mga aktibidad na ito dahil pare pareho silang nagbabahagi ng mga unibersal na halaga tulad ng demokrasya at kalayaan. Dagdag pa niya na walang karapatan ang China na manghimasok o pumuna sa ganitong uri ng cultural exchange.
Ayon kay Furuya, kailangan pang pag usapan ng Japan, Taiwan, at Estados Unidos ang mga praktikal na detalye kung paano ito maisasakatuparan. Kabilang dito ang kung saan gaganapin ang mga aktibidad, kung regular ba itong isasagawa, at kung paano ito ipapatupad sa hinaharap. Umaasa siyang sa pamamagitan ng patuloy na konsultasyon sa pagitan ng tatlong panig ay maisasakatuparan ang ideya sa lalong madaling panahon.
Samantala, tinanong din si Furuya ng mga mamamahayag kung ang pagpunta ni Premier Cho sa Tokyo upang manood ng WBC ay maaaring ituring na isang diplomatikong hakbang o bahagi ng mas malawak na ugnayan ng Japan at Taiwan. Tugon ni Furuya, ayon sa kanyang pagkaunawa ay pribadong paglalakbay lamang ito ni Cho. Nagbiro pa siya na maaaring isa lamang “die hard fan” ng baseball ang premier kaya nagpunta sa Japan upang panoorin ang laban.
Dahil pribado umano ang biyahe, sinabi ni Furuya na walang pakikialam ang pamahalaan ng Japan at wala ring naging kontak ang kanilang parliamentary group sa pagbisita ni Cho. Dahil dito, sinabi niyang wala siyang maibibigay na karagdagang komento tungkol sa usapin.