Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Lai: Ang tunay na kapayapaan ay may kasamang soberanya at demokrasya

07/04/2026 13:50
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Dumalo si Pangulong Lai Ching-te noong ika-7 sa “37th Anniversary Memorial ng pagkamartir ni Cheng Nan-jung.” (Larawan mula sa Presidential Office)
Dumalo si Pangulong Lai Ching-te noong ika-7 sa “37th Anniversary Memorial ng pagkamartir ni Cheng Nan-jung.” (Larawan mula sa Presidential Office)

Sa ika-37 anibersaryo ng pagpanaw ni Cheng Nan-jung ngayong ika-7 ng Abril, dumalo si Pangulong Lai Ching-te sa isang memorial ceremony sa kanyang libingan. Sa kanyang talumpati, sinabi ng pangulo na ang demokrasya ang tanging landas ng Taiwan. Bagama’t malayo na ang narating ng bansa sa larangan ng demokrasya, patuloy pa rin itong humaharap sa banta mula sa China. Sa ganitong konteksto, binigyang-diin niya na mahalaga ang kapayapaan, ngunit hindi ito maaaring umasa sa biyaya ng isang diktador kundi dapat nakabatay sa lakas at kakayahan.

Ika-7 ng Abril ay ginugunita rin bilang Araw ng Kalayaan sa Pananalita. Sa kanyang mensahe sa “37th Anniversary Memorial of Cheng Nan-jung,” sinabi ni Lai na mahalagang ipaalala sa bawat henerasyon na ang pag-unlad ng Taiwan mula sa madilim na panahon ng diktadura tungo sa isang demokratiko at malayang lipunan ay hindi regalo ng mga awtoritaryong lider, kundi bunga ng sakripisyo ng mga naunang tagapagtaguyod ng demokrasya. Aniya, dapat itong pahalagahan at ipagtanggol ng mamamayan, at hindi kailanman dapat bumalik sa nakaraan dahil ang demokrasya ang tanging daan ng bansa.

Binalikan din ng pangulo ang kasaysayan matapos ang pagkamatay ni Cheng noong 1989, na aniya ay nagmulat sa lipunan at nagpasiklab ng malawakang kilusan para sa reporma. Binanggit niya ang mga mahahalagang hakbang tulad ng ganap na muling halalan ng lehislatura noong 1991 sa pamumuno ni dating Pangulong Lee Teng-hui, ang unang direktang halalan ng pangulo noong 1996 kung saan milyon-milyong Taiwanese ang bumoto, at ang unang mapayapang pagpapalit ng partido sa kapangyarihan noong 2000. Sa kasalukuyan, kabilang na ang Taiwan sa nangungunang sampung bansa sa mundo pagdating sa demokrasya at nangunguna sa Asya, dahilan upang ituring itong isang “beacon of democracy” sa rehiyon.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Lai na kasabay ng tagumpay na ito ay ang patuloy na hamon mula sa presyur at banta ng China. Aniya, bagama’t mahalaga ang kapayapaan, hindi dapat ito pag-isipan nang may ilusyon kundi may malinaw na prinsipyo. Ang tunay na kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng digmaan, kundi ang kakayahang mapanatili ang soberanya at maprotektahan ang demokratikong pamumuhay na pinaghirapan ng mamamayan.

Idinagdag pa ng pangulo na ang dignidad at pagkakapantay-pantay ay mahalaga, at iginiit na ang Taiwan ay hindi bahagi ng People’s Republic of China. May karapatan ang mga Taiwanese na ipagpatuloy ang kanilang demokratiko at malayang pamumuhay at pahalagahan ang karapatang pantao. Nanawagan siya sa mamamayan na ipagpatuloy ang pagtatanggol sa pundasyong itinayo ng mga naunang henerasyon, harapin ang hinaharap nang may tapang, at makibahagi sa pandaigdigang komunidad.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解