Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Taiwan Magdaraos ng Interagency Drills Laban sa Bantang Blockade ng China sa Dagat

14/04/2026 13:30
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Pangalawang Kalihim ng Interior na si Ma Shih-yuan. Kuha ni Cheng Yu-han.
Pangalawang Kalihim ng Interior na si Ma Shih-yuan. Kuha ni Cheng Yu-han.

Sinabi ni Deputy Interior Minister Ma Shih-yuan sa isang panayam na inilathala ng Bloomberg News noong ika-13 na malapit nang magsagawa ang pamahalaan, sa unang pagkakataon, ng magkasanib na ehersisyo na lalahukan ng Ministry of the Interior at iba pang mga ahensiya ng gobyerno. Layunin nitong tiyakin na sa senaryong magpataw ang China ng blockade sa dagat, mapoprotektahan at maaeskortahan ang mga barkong may kargang natural gas at langis upang patuloy na makapasok sa bansa ang mahahalagang suplay.

Ayon sa ulat ng Bloomberg, nagbabala rin si Ma na ang malawakang blockade sa paligid ng Taiwan ay makaaapekto sa buong rehiyon. Ipinakita aniya ng kamakailang pagsasara ng Iran sa Strait of Hormuz, isang mahalagang pandaigdigang ruta ng enerhiya, kung gaano kalaki ang ganitong panganib.

Aniya, “Kung mabablokeyo ang Taiwan Strait o ang mga karagatan sa paligid ng Taiwan, halos katumbas ito ng ganap na pagkagambala sa suplay ng enerhiya sa buong rehiyon. Hindi lamang ito problema ng Taiwan kundi problema ng buong rehiyon.”

Isinulat ng Bloomberg na bagaman hindi pa tahasang nagbabantang putulin ng China ang suplay ng mga kalakal sa Taiwan o sa iba pang ekonomiya, regular nang nagsasagawa ng mga ehersisyo ang Taiwan bilang paghahanda sa posibleng mapanlabang aksyon ng People’s Liberation Army ng China.

Sinabi ng tagapagsalita ng Ministry of National Defense noong Abril 10 na isasama sa mga pagsasanay ang iba’t ibang posibleng sitwasyon at galaw ng hukbong Tsino upang makapaghanda ng mga nararapat na tugon.

Sinabi naman ng Ministry of the Interior sa Bloomberg noong ika-13 na inaasahan ng pamahalaan ng Taiwan na magsagawa ng tabletop exercise para sa anti-blockade scenario bandang Hunyo. Sa Setyembre, magkakaroon din ng ehersisyo para subukan ang pagdaong ng mga barkong may dalang internasyonal na tulong at ang pag-escort sa transportasyong panlupa sa loob ng bansa.

Ayon kay Ma, pamumunuan ng Ministry of the Interior bago mag-Hulyo ang isang ehersisyo para sa transportasyong panlupa, na nakatuon sa pagdadala ng mga suplay sa loob ng bansa. Samantala, ang hukbong-dagat at ang Coast Guard Administration ang mangunguna sa mga pagsasanay para sa pag-escort sa mga barkong naglalayag sa karagatang nakapaligid sa Taiwan.

Di tulad ng Strait of Hormuz na kontrolado ng Iran, maaaring umiwas ang mga barko sa Taiwan Strait sa pamamagitan ng pagdaan sa silangang bahagi ng Taiwan. Gayunman, malamang na magdulot ang paglihis patungong Pacific Ocean ng mas mataas na gastos sa pagpapadala at mas mahabang oras ng biyahe.

Sinabi ni Ma na nais ng Taiwan na mapanatiling bukas ang tatlong ruta ng paglalayag upang makaharap ang posibleng blockade ng China. Dagdag pa niya, isa rin sa mga pangunahing layunin ang mga operasyong makatao sa oras ng malawakang sakuna. Ang mga rutang ito ay magsisilbing mahalagang ugnayan ng Taiwan sa Pilipinas, Japan, at Estados Unidos.

Ayon pa kay Ma, inaasahan niyang tutulong ang Japan at iba pang mga bansa sa mga posibleng misyon ng pag-escort sa hinaharap. Aniya, pinatunayan na ng mga “freedom of navigation operations” sa Taiwan Strait na may nabubuong di pormal na pandaigdigang pagkakasundo hinggil sa pagpapanatiling bukas ng nasabing rutang pandagat.

Binigyang-diin niya, “Bagaman walang pormal na kasunduan, may umiiral nang pagkakasundo sa pagitan ng iba’t ibang bansa.” Kahit umano magkaroon ng blockade bukas, kumpiyansa siyang mapananatili ng Taiwan na bukas ang mga rutang pandagat nito.

Patuloy ding kumukuha ng mga aral ang militar mula sa mga kasalukuyang sigalot sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ayon sa Ministry of National Defense, sinimulan ng militar noong ika-11 ang war games para sa taunang Han Kuang Exercise No. 42. Kabilang sa mga insidenteng isinasaalang-alang dito ang krisis sa Iran at ang pagdakip ng Estados Unidos noong Enero sa noo’y pangulo ng Venezuela na si Nicolas Maduro.

Bukod dito, sinabi rin noong nakaraang linggo ng tagapagsalita ng Coast Guard Administration na lalahok ang ahensiya sa huling bahagi ng Setyembre sa isang ehersisyong pang-silangang baybayin na pangungunahan ng Maritime and Port Bureau ng Ministry of Transportation and Communications, kung saan gagayahin ang senaryo ng blockade sa panahon ng digmaan.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解