Tinanggap noong Abril 16 ni Foreign Minister Lin Chia-lung si Belize Vice Minister of Education Dian Maheia at University of Belize President Vincent Palacio, kasama ang kanilang delegasyon, kung saan nagpalitan ang dalawang panig ng pananaw hinggil sa academic cooperation ng Taiwan at Belize, talent development, at sustainable tourism. Sinabi ni Lin na ikinatutuwa niyang makita ang pakikipag-ugnayan at dayalogo ng delegasyon sa mga kolehiyo at unibersidad sa Taiwan, na makatutulong sa pagsusulong ng mas malalim pang kooperasyon sa iba’t ibang larangan sa hinaharap.
Sa inilabas na pahayag ng Ministry of Foreign Affairs ngayong umaga, sinabi nitong sinalubong ni Lin sina Maheia at Palacio at muli ring ipinahayag ang kanyang pagtanggap kay Maheia sa ikalawang pagbisita nito sa Taiwan.
Ayon kay Lin, matagal nang mahalagang usapin ng kooperasyon ng Taiwan at Belize ang edukasyon at pagpapaunlad ng mga talento. Sa loob ng maraming taon, magkasamang isinusulong ng dalawang pamahalaan ang scholarship programs, at ang mga estudyanteng Belizean na nag-aaral sa Taiwan ay hindi lamang mahalagang yamang-tao para sa kanilang bansa kundi nagsisilbi ring tulay ng ugnayang kultural sa pagitan ng Taiwan at Belize.
Sinabi rin ni Lin na apat na beses na siyang nakabisita sa Belize at nananatiling sariwa sa kanya ang ganda ng asul na karagatan ng bansa at ng Great Blue Hole. Aniya, mayaman ang Belize sa tourism resources at may mahalagang heograpikong posisyon sa Gitnang Amerika at Caribbean. Dahil dito, dapat patuloy na palakasin ng Taiwan at Belize ang kooperasyon sa sustainable tourism, pagbutihin ang pagsasanay ng mga talentong may kaugnayan sa hospitality at iba pang technical and vocational fields, at pataasin ang competitiveness ng kani-kanilang industriya. Dagdag pa niya, maaari ring maibahagi ng Taiwan ang matagumpay nitong karanasan at know-how habang kapwa natututo ang dalawang panig upang higit pang mapalalim ang bilateral partnership.
Nagpasalamat naman si Maheia sa maayos na pag-aasikaso at mainit na pagtanggap ng Taiwan sa kanilang delegasyon, gayundin sa patuloy na ambag ng Taiwan sa pagpapaunlad ng human resources ng Belize. Pinuri rin niya ang mga Belizean student sa Taiwan at sinabing sila ay naging mahahalagang yaman ng lipunan ng Belize. Binigyang-diin din niya na malaki ang pakinabang ng kanilang pagbisita sa National Chung Hsing University, Dayeh University, at Meiho University, kung saan nagkaroon sila ng harapang palitan ng mga ideya at praktikal na karanasan sa larangan ng edukasyon.
Ipinahayag naman ni Palacio ang taos-pusong pasasalamat sa kamakailang donasyon ng pamahalaan ng Taiwan ng medical teaching equipment sa kanilang unibersidad. Sinabi rin niyang lubos niyang inaasahan ang pagsisimula ng kooperasyon sa mga unibersidad sa Taiwan sa iba’t ibang larangan upang makamit ang kapwa pakinabang.
Ipinaliwanag ng Ministry of Foreign Affairs na ang University of Belize ang nag-iisang pambansang unibersidad ng Belize. Matapos itong lumagda noong 2022 ng memoranda of understanding o MOU sa National Chung Hsing University at Dayeh University, lumagda rin ito ngayong pagbisita sa Taiwan ng isa pang memorandum sa Meiho University. Ayon sa ministry, makatutulong ito sa pagpapalalim ng kooperasyon sa higher education ng dalawang bansa at sa pagbibigay ng mas marami at mas magkakaibang oportunidad sa pagkatuto para sa mga kabataan.