Lumagda kamakailan ang Estados Unidos at Pilipinas sa isang kasunduan upang magtayo ng isang high tech industrial hub sa Luzon na layong isulong ang pag-unlad ng manufacturing sector ng Amerika at tiyaking makakakuha ang mga kumpanyang Amerikano ng mahahalagang hilaw na materyales tulad ng critical minerals nang hindi nakadepende sa Beijing. Ito ang pinakabagong hakbang ng administrasyon ni Donald Trump upang pahinain ang dominasyon ng China sa pandaigdigang supply chain.
Ayon sa ulat ng The Wall Street Journal, sinabi ni Jacob Helberg, U.S. Under Secretary of State for Economic Growth, Energy, and the Environment, na ang manufacturing hub na pinapagana ng artificial intelligence o AI ay planong itayo sa lupang ibibigay ng Pilipinas sa Luzon, na may lawak na humigit-kumulang 1,620 ektarya. Makikinabang ang panig ng Amerika sa libreng upa at ang lugar ay pamamahalaan bilang isang economic zone.
Ang industrial park na ito ay magkakaroon ng diplomatic immunity na kahalintulad ng sa embahada ng Estados Unidos at paiiralin dito ang sistemang batay sa American common law, isang modelong sinasabing unang beses mangyayari sa buong mundo. Ang paunang lease agreement ay tatagal ng dalawang taon, ngunit maaari itong i-renew at mapalawig hanggang sa kabuuang 99 taon.
Nakabatay ang kasunduang ito sa polisiya ng administrasyong Trump na mas mapunta sa kontrol ng Amerika ang mas malaking bahagi ng supply chain. Layunin nitong pabilisin ang manufacturing capacity ng Estados Unidos para sa depensa at iba pang kritikal na industriya, habang pinahihina ang kontrol ng China sa mahahalagang mineral at components na kailangan sa electronics industry.
Sa kasalukuyan, nasa yugto pa lamang ng konsepto ang planong manufacturing hub. Hindi pa pinal ang mga detalye kung aling mga kumpanyang Amerikano ang sasali at kung anu-anong produkto ang gagawin sa Pilipinas.
Sinabi ni Helberg na hindi na napapanatili ang kasalukuyang heograpikal na distribusyon ng global supply chain dahil kapag masusing sinuri ang buong sistema nito, makikita aniyang halos lubos itong dominado ng China. Dagdag pa niya, mayaman ang Pilipinas sa nickel, copper, chromite, at cobalt, at ang mga yamang ito ay maaaring gamitin sa hinaharap ng mga kumpanyang Amerikano sa lokal at ma-export pabalik sa Estados Unidos upang suportahan ang manufacturing sector nito.
Ayon naman kay Gracelin Baskaran, director ng Critical Minerals Security Program ng Center for Strategic and International Studies o CSIS sa Washington, isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamayamang reserba ng mineral sa mundo at ito rin ang pangalawang pinakamalaking producer ng nickel sa buong mundo.
Gayunman, sinabi rin ni Baskaran na hindi awtomatikong nangangahulugan ang lawak ng reserbang mineral na ito na magkakaroon agad ng matatag na suplay ang mga kumpanyang Amerikano. Ipinaliwanag niya na pangunahing hilaw na materyales ang ine-export ng Pilipinas at kulang pa ito sa mga processed mineral, kaya mahirap pa itong direktang isama sa high tech supply chain.