Pormal na sinimulan ngayon ng Pilipinas at Estados Unidos ang taunang malakihang joint military exercise na may codename na Balikatan. Sinabi ng mga opisyal ng magkabilang panig na ilang advanced missile systems ang ipakikita sa ehersisyo, ngunit iginiit nilang hindi ito nakatutok sa alinmang bansa at hindi rin gaganapin sa mga karagatang malapit sa Taiwan.
Sa press conference matapos ang opening ceremony, ipinaliwanag ni Philippine Balikatan commander Francisco Lorenzo Jr. na sasaklawin ng mga lugar ng ehersisyo ang hilagang bahagi ng Luzon, ngunit hindi sa “mga lugar na malapit sa Taiwan,” gayundin ay hindi sa Bashi Channel na nag-uugnay sa Taiwan at Pilipinas.
Noong Agosto ng nakaraang taon, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kung sasabog ang isang sigalot sa Taiwan Strait, hindi maiiwasang madamay ang Pilipinas. Ayon sa datos na ibinigay ng militar ng Pilipinas, ang mga lugar ng ehersisyo ngayong taon ay umaabot pahilaga hanggang sa Batanes, na matatagpuan sa tapat ng Taiwan. Dahil dito, nakatawag ito ng pansin sa gitna ng patuloy na tensyon sa rehiyon.
Binigyang-diin ni Lorenzo na ang mga puwersang Amerikano at mga tropa mula sa ibang bansang may magkakatulad na pananaw ay nasa Pilipinas lamang upang lumahok sa ehersisyo at hindi mananatili roon nang pangmatagalan. Aniya, agad silang babalik sa kanilang orihinal na base matapos ang pagsasanay.
Sinabi rin ni U.S. Balikatan commander Christian Wortman na walang plano ang Amerika na palawakin ang deployment ng mga puwersa nito sa Pilipinas, kabilang na sa Batanes, at anumang presensya ng tropa ay mananatiling rotational lamang.
Samantala, sa Balikatan ngayong taon ay gagamit ang Pilipinas at Amerika ng iba’t ibang advanced missile systems.
Ayon kay Lorenzo, ang BrahMos anti ship missile system na binili ng Pilipinas mula sa India ay lalahok sa ehersisyo sa isang simulated environment. Kinumpirma naman ni Wortman na ang Typhon medium range ground based missile launcher at ang Navy Marine Expeditionary Ship Interdiction System o NMESIS ay isasama rin sa ehersisyo.
Ayon sa magkabilang panig, napakahalaga ng pagbuo ng karanasan sa pagpaplano, koordinasyon, at integration ng mga sistemang sandata na ito upang mas mapalakas ang potensyal ng mga ito sa pinagsamang operasyon at aktuwal na paggamit.
Nauna nang dinala ng militar ng Amerika sa Pilipinas ang Typhon at NMESIS sa mga nakaraang military exercises at hindi na ito inalis matapos ang mga pagsasanay, bagay na ilang ulit nang tinutulan ng pamahalaan ng China.
Sa taong ito, pitong bansa ang direktang kalahok sa Balikatan, kabilang ang Pilipinas, Amerika, Japan, Australia, Canada, France, at New Zealand. Mahigit 17,000 katao ang lalahok at nakatakdang matapos ang ehersisyo sa unang linggo ng Mayo. Layunin nitong palakasin ang interoperability ng mga bansang may magkakatulad na pananaw at mapanatili ang isang malaya at bukas na Indo-Pacific region.