Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

AIT : Palalalimin ang Kooperasyon ng Taiwan at Amerika sa Cybersecurity Upang Matiyak ang Kaligtasan ng Semiconductor Supply Chain

05/05/2026 13:10
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
American Institute in Taiwan (Photo: Rti)
American Institute in Taiwan (Photo: Rti)

Sinabi ngayong araw ng American Institute in Taiwan o AIT na ang cybersecurity resilience ay hindi lamang usaping teknikal kundi malapit ding kaugnay ng pambansang seguridad at ekonomiya. Ayon sa panig ng Estados Unidos, palalalimin nito ang pakikipagtulungan sa Taiwan at magbibigay ng mga inobasyon sa cybersecurity at kaalaman sa supply chain security upang makatulong sa pangangalaga ng critical infrastructure at matiyak ang kaligtasan ng semiconductor supply chain.

Binuksan ngayong ika-5 ang 2026 Taiwan Cybersecurity Conference, at sa kanyang talumpati ay sinabi ni AIT Deputy Director Karin M. Lang na ang cybersecurity ay hindi lamang mahalaga sa IT industry dahil umaabot ang epekto nito sa iba’t ibang aspeto ng lipunan. Aniya, ang ekonomiya, critical infrastructure, at maging ang mga demokratikong institusyon ay nakasalalay sa digital resilience. Sa harap ng patuloy na pagbabago at lalong pagiging kumplikado ng mga banta sa cybersecurity, sinabi niyang walang iisang ekonomiya o pamahalaan ang kayang humarap dito nang mag-isa.

Ipinunto ni Lang na bilang mahalagang kasosyo ng Taiwan, patuloy na magbibigay ang Estados Unidos ng mga inobasyon sa cybersecurity, kaalaman sa supply chain security, at mas malalim na kooperasyon upang makatulong sa pangangalaga ng critical infrastructure, matiyak ang kaligtasan ng semiconductor supply chain, at mapalakas ang digital resilience. Sinabi niya, “Bilang isang mapagkakatiwalaang kasosyo ng Taiwan, may mahalagang papel ang Estados Unidos sa pagdadala ng world leading cybersecurity innovation, expertise sa supply chain security, at mas malalim na kooperasyon upang makatulong sa pangangalaga ng critical infrastructure, protektahan ang semiconductor supply chain, at palakasin ang resilience na pinagsasaluhan nating sandigan para sa ating digital na kinabukasan.”

Idinagdag din ni Lang na kamakailan ay nag-amyenda ang Taiwan ng mga batas nito upang palakasin ang pananagutan sa pangangalaga ng personal data at mapahusay ang accountability mechanisms. Aniya, bagaman hindi direktang lumilikha ng kita ang cybersecurity, mahalaga ito sa corporate governance at pambansang resilience, kaya kinakailangan ang mas mahigpit na regulasyon upang mapalakas ang depensa at matukoy at maisara ang mga posibleng kahinaan.

Samantala, sinabi ni Deputy Secretary-General to the President Ho Chih-wei na lumampas na sa NT$90 bilyon ang halaga ng cybersecurity industry ng Taiwan at papalapit na ito sa antas na NT$100 bilyon. Ayon sa estadistika, mahigit 2.63 milyong atake kada araw ang karaniwang nararanasan noong nakaraang taon ng critical infrastructure sectors tulad ng healthcare, communications, at transportation. Sa gitna ng tumitinding mga banta, binigyang-diin niya na ang cybersecurity ay pambansang seguridad at ang pangangalaga sa digital sovereignty ay nangangailangan ng kooperasyong lampas sa linya ng partido.

Sinabi rin ni Ho na isinama na ng pamahalaan ang cybersecurity bilang pangunahing bahagi ng “limang industriyang may tiwala” at ng “bagong sampung pangunahing proyekto sa AI” upang mapataas ang kamalayan ng publiko sa usaping cybersecurity. Sa larangan naman ng industriya, sinabi niyang pagsasamahin ng Taiwan ang lakas nito sa semiconductors at makikipagtulungan sa SEMI at sa mga kumpanyang gaya ng TSMC upang bumuo ng cybersecurity standards para sa kagamitan at umusad patungo sa international certification. Layunin aniya nitong itulak ang Taiwan mula sa pagiging simpleng kalahok sa teknolohiya tungo sa pagiging tagapagtakda ng pamantayan at mapalakas ang kredibilidad ng democratic supply chain.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解