Matagumpay na nakabalik sa bansa si Pangulong Lai Ching-te matapos ang kanyang pagbisita sa kaalyadong bansang Eswatini sa Africa. Dumating siya ngayong umaga sa Taiwan at nagbigay ng pahayag sa paliparan. Noong ika-2, ginamit ng pangulo ang tinatawag na ATA mode o ang pag-aanunsiyo lamang pagdating sa destinasyon upang malampasan ang harang ng China at matagumpay na makarating sa Eswatini para sa isang state visit. Bumalik siya sa Taiwan alas 10:40 ng umaga noong ika-5 at kaagad na nagbigay ng pahayag pagdating sa Taoyuan International Airport.
Sa buong biyahe, sumakay ang pangulo sa opisyal na eroplano ng hari ng Eswatini, at kapwa mataas ang antas ng pagiging lihim ng kanyang pag-alis at pagbabalik. Sa simula ng kanyang pahayag, sinabi niya sa mamamayan na matapos ang 84 na oras at 25,000 kilometrong biyahe pabalik at paharap, matagumpay niyang natapos ang diplomatikong misyon ng pagbisita sa kaalyadong Eswatini at ligtas na nakabalik sa sariling bayan. Sa ngalan ng mamamayan ng Taiwan, pinasalamatan niya si Haring Mswati III, ang pamahalaan ng Eswatini, at ang buong mamamayan nito para sa kanilang taos-puso, mainit, at matatag na suporta. Sinabi niyang kahit malayo ang Taiwan at Eswatini sa isa’t isa, nananatiling napakatatag ng pagkakaibigan at tiwala ng dalawang mamamayan.
Nagbigay rin ng pagkilala ang pangulo kay Deputy Prime Minister Thulisile Dladla ng Eswatini, na sumama sa kanya sa kanyang pag-alis at pagbabalik, at pinuri pa niya ito bilang pinakamahusay na bida ng isang “mainit na pagsundo at paghatid” sa bersiyong pang-aviation.
Ipinaliwanag ng pangulo sa publiko na sa pamamagitan ng pagbisitang ito ay nasaksihan niya ang kongkretong bunga ng palitan at kooperasyon ng Taiwan at Eswatini sa mga larangan ng energy security, industrial investment, agricultural cooperation, smart healthcare, women’s empowerment, kultura, at edukasyon. Aniya, ang mga tagumpay na ito ay aktuwal na patunay ng magkatuwang na pagsisikap ng Taiwan at ng mga pandaigdigang kasosyo nito upang lumikha ng seguridad, kasaganaan, at pag-unlad. Sinabi niya, “Pinatutunayan ng Republika ng Tsina, Taiwan sa pamamagitan ng aksyon na ang tunay na pagpapakita ng pambansang lakas ay hindi ang pagpapasuko sa iba, kundi ang pagdadala ng kaginhawahan sa lahat.”
Tinukoy rin ng pangulo ang paggamit ng ilang media sa salitang “pagbasag” o “breakthrough” upang ilarawan ang kanyang pagbisita sa Eswatini sa gitna ng mga panlabas na hadlang. Binigyang-diin niya na ang pagbisita sa pagitan ng mga pinuno ng mga bansa ay isang karaniwan at batayang karapatan ng bawat estado. Aniya, bagaman minsang nahadlangan ang biyahe, lalo lamang nitong ipinakita sa mundo ang matibay na pasya at kagustuhan ng mamamayan ng Taiwan na makipag-ugnayan sa daigdig. Idinagdag pa niya na mas lalong naging malinaw na ang pangangailangang tiyakin ang pagsunod sa rules based international order at ang pagpapanatili ng pandaigdigang seguridad at katatagan laban sa anumang pagsira ay isa nang mahalaga at agarang usapin para sa internasyonal na komunidad.
Binigyang-diin ng pangulo na ang Republika ng Tsina, Taiwan ay sumusunod sa iba’t ibang internasyonal na pamantayang nakabatay sa mga patakaran at nakatuon sa mutual benefit at shared prosperity sa internasyonal na komunidad. Aniya, ang pagbisitang ito ay hindi lamang pagpapalalim ng pakikipagkaibigan sa kaalyadong bansa at paggamit ng diplomatikong kapangyarihan ng estado, kundi isa ring kongkretong pagpapakita ng sama-samang pagsisikap ng Taiwan at ng mga bansang kapareho ng pananaw upang pangalagaan ang pandaigdigang kaayusan. Sinabi niya, “Bilog ang mundo, ang mundo ay para sa lahat, at ang Taiwan ay bahagi ng mundo. Ang mga Taiwanese ay mamamayan ng mundo at may karapatan silang humarap sa mundo. Hindi kami uurong dahil sa panggigipit. Sa halip, ang mga Taiwanese na nagmamahal sa kapayapaan at kalayaan ay magpapatuloy, taglay ang katarungan at katuwiran, at sa isang matatag at responsableng paraan ay magbibigay ng mas marami pang partisipasyon at ambag sa entablado ng mundo.”
Samantala, sinabi ng Ministry of Foreign Affairs na ang state visit ng pangulo sa Eswatini ay hindi lamang nagpalalim sa relasyon ng dalawang bansa, kundi nagpatuloy rin ang mga bilateral cooperation projects ng magkabilang panig. Sinabi ni Foreign Ministry spokesperson Hsiao Kuang-wei, “Matagumpay na nakabalik sa bansa ang pangulo kanina. Nakita natin na naging maayos at matagumpay ang buong aktibidad, at higit nitong pinatatag at pinalalim ang relasyon ng Taiwan at Eswatini.”
Bukod dito, nakatakda ring bumisita sa Taiwan sa ika-7 si Paraguayan President Santiago Peña para sa isang state visit. Ayon kay Hsiao, matatag at maganda ang ugnayan ng Taiwan at Paraguay, at sa batayan ng magkakatulad na unibersal na pagpapahalaga sa demokrasya, kalayaan, at karapatang pantao, matagal nang malapit ang kooperasyon ng dalawang panig sa iba’t ibang larangan at marami na ring naging bunga. Aniya, taos-pusong tinatanggap ng Ministry of Foreign Affairs ang pagbisita ni Peña sa Taiwan.