Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Sa Pagbisita ng Pangulo sa Eswatini, Sinabi ni Premier Cho na Naniniwala Siyang Nasa Kabilang Pampang ang mga Humahadlang at Sa Loob ng Bansa ay Dapat mga Kasangga Lamang ang Nariyan

05/05/2026 13:30
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Matapos ang kanyang pagbisita sa kaalyadong bansang Eswatini, bumalik si Pangulong Lai Ching-te sa Taiwan noong umaga ng ika-5 at kumaway bilang pagbati sa mga mamamahayag na naghihintay sa paliparan. (Photo: Central News Agency)
Matapos ang kanyang pagbisita sa kaalyadong bansang Eswatini, bumalik si Pangulong Lai Ching-te sa Taiwan noong umaga ng ika-5 at kumaway bilang pagbati sa mga mamamahayag na naghihintay sa paliparan. (Photo: Central News Agency)

Matagumpay na nakabisita si Pangulong Lai Ching-te sa kaalyadong bansang Eswatini at ligtas na nakabalik sa Taiwan. Sinabi ngayong umaga ni Premier Cho Jung-tai na sa pamamagitan ng pagbisitang ito ng pangulo ay muling nakita ng mundo ang Taiwan at napalakas ang damdamin ng mamamayan sa loob ng bansa. Aniya, ang mga nagalit at nagbitaw ng malamig at mapanuyang salita ay siya ring mga puwersang humadlang noon sa pag-alis ng pangulo. Naniniwala siyang ang mga puwersang iyon ay nasa kabilang pampang, at sa loob ng Taiwan ay dapat mga kasangga lamang ang mayroon, hindi mga kalaban.

Matapos malampasan ni Pangulong Lai ang harang ng China at matagumpay na makabisita sa kaalyadong bansang Eswatini sa Africa, ligtas siyang nakabalik ngayong umaga sa Taiwan. Sa panayam bago inspeksiyunin sa Taichung ang training ng mga pambansang kinatawan para sa International Skills Competition, sinabi ni Cho na maraming sorpresa ang ibinigay ng pagbisita ng pangulo sa mamamayan at lalo pang naging kapana-panabik ang naging resulta nito.

Ayon kay Cho, lahat ng mamamayang tunay na nagnanais na makita ang Republika ng Tsina, Taiwan na humaharap sa mundo at nakikita ng pandaigdigang komunidad ay magpapahayag ng pagbati at pag-asa para rito. Aniya, yaong mga nagalit at nagsalita nang may lamig at panunuya ay ang mga kamay na humadlang noon sa pag-alis ng pangulo. Sinabi ni Cho, “Naniniwala akong ang mga kamay na iyon at ang ating mga katunggali sa kompetisyong diplomatiko ay nasa kabilang pampang. Sa loob ng bansa, ang kailangan natin ay mga kasangga, at hinding hindi mga kalaban.”

Sa kanyang talumpati sa naturang pagbisita, sinabi rin ni Cho na kapag may entablado ang kabataan ay may kinabukasan ang bansa. Aniya, ang pagharap sa pandaigdigang entablado at ang makita ng mundo ay mithiin ng lahat ng manlalaro at kalahok, at iyon din ang nagawa ni Pangulong Lai. Sinabi niya, “Nagpunta ang pangulo sa Eswatini na may dalang maraming sorpresa para sa mamamayan at nagbalik na may dalang masaganang bunga. Ang pagbisita ng pangulo sa Eswatini at ang ligtas niyang pagbabalik ay isang paraan upang makita at igalang ng buong mundo ang Republika ng Tsina, Taiwan.”

Hinimok din ni Cho ang lahat ng kabataang kalahok na dadalo sa ika-48 International Skills Competition sa Shanghai sa Setyembre ngayong 2026 na humarap din sa pandaigdigang entablado at makita ng mundo. Sinabi niyang pareho sila ng pangulo ng misyong kailangang gampanan.

Binigyang-diin pa ni Cho na ang pamahalaan ay hindi lamang magsisilbing cheer squad. Aniya, patuloy itong makikipagtulungan sa mga pribadong negosyo upang palakasin ang iba’t ibang mahahalagang sistema ng pagsasanay sa kaalaman at kasanayan, upang kapag pumasok na sa industriya ang mga kabataang kalahok ay tunay nilang mapalakas ang kakayahan ng iba’t ibang sektor. Layunin din nitong mabigyan ang mahuhusay na talento sa teknikal at bokasyonal na larangan ng mas magagandang oportunidad sa pag-aaral at mas maayos na kapaligiran sa pagtatrabaho.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解