Bumisita sa Taiwan mula ika-2 hanggang ika-6 ng Mayo ang delegasyon ng Youth Division ng Liberal Democratic Party ng Japan sa pangunguna ng director nitong si Shojiro Hiranuma. Sa panayam sa Ministry of Foreign Affairs noong ika-5 ng Mayo, sinabi ni Hiranuma na sa gitna ng kasalukuyang kaguluhan sa pandaigdigang sitwasyon, dapat pang palakasin ng Taiwan at Japan ang kanilang kooperasyon sa larangan ng economic security at disaster prevention.
Dagdag pa niya, mahalaga ring paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng mga sister cities ng dalawang panig at palawakin pa ang people-to-people exchanges.
Pinangunahan ni Hiranuma, na isa ring miyembro ng House of Representatives ng Japan, ang pagbisita ng mga opisyal ng Youth Division sa Taiwan. Bago dumalo sa hapunang inihanda ni Foreign Minister Lin Chia-lung, pansamantala muna silang humarap sa media.
Ayon kay Hiranuma, bagama’t hindi nila nakadaupang-palad si Pangulong Lai Ching-te sa pagkakataong ito, nakipagpulong naman sila kay Bise Presidente Hsiao Bi-khim, Legislative Speaker Han Kuo-yu, at iba’t ibang partido pulitikal. Nagkaroon din umano sila ng makahulugang palitan ng pananaw kasama ang mga kinatawan ng sektor ng negosyo.
Sinabi ni Hiranuma na kapwa nahaharap ang Japan at Taiwan sa pabagu-bagong pandaigdigang kalagayan ngayong taon, kaya naniniwala siyang mahalagang paigtingin ang kooperasyon sa economic security at disaster preparedness.
Binanggit din niya na bumisita ang delegasyon sa Taichung at Chiayi County, na unang pagkakataon para sa youth delegation na makita nang personal ang kagandahan at katangian ng mga naturang lugar. Dahil dito, umaasa siyang mas mapapalakas pa ang palitan sa pagitan ng mga sister cities ng Taiwan at Japan.
Bukod sa mga mambabatas mula sa upper at lower house ng Japan, kabilang din sa delegasyon ang chairman at mga opisyal ng “Japan Junior Chamber Taiwan-Japan Friendship Association.” Ayon kay Hiranuma, mahalaga rin ang ganitong uri ng pribadong people-to-people exchanges at nais nilang ipagpatuloy ito sa hinaharap.
Nang tanungin tungkol sa special defense budget ng Taiwan, sinabi ni Hiranuma na hindi ito naging paksa ng kanilang pagbisita. Bagama’t may ilang nagtatanong tungkol dito sa kanilang mga pag-uusap, naniniwala siyang wala silang posisyon upang magbigay ng komento hinggil sa usapin ng gastusing militar ng Taiwan.