Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Dumating na sa Taiwan ang Pangulo ng Paraguay! Pinangunahan ni Santiago Peña ang Delegasyon para sa State Visit, Sinalubong ni Lin Chia-lung

09/05/2026 12:00
Editor ng Pagsulat: 呂曉倩
Photo from CNA.
Photo from CNA.

Dumating sa Taiwan noong ika-7 ng Mayo para sa apat na araw na state visit si Santiago Peña kasama ang kanyang delegasyon, matapos tanggapin ang imbitasyon ng pamahalaan ng Taiwan. Lumapag ang kanilang eroplano ng EVA Air sa Taoyuan International Airport bandang 4:35 ng madaling araw, kung saan personal silang sinalubong ni Lin Chia-lung.

Ayon sa Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan, ito ang ikalawang pagbisita ni Peña sa Taiwan mula nang maupo siya bilang pangulo noong Agosto 2023, ngunit ito ang kanyang unang opisyal na state visit sa bansa.

Bilang pagpapakita ng mataas na paggalang at kahalagahan ng pagbisita, magsasagawa si Lai Ching-te ng full military honors ceremony sa ika-8 ng Mayo, bukod pa sa state banquet at paggawad ng “Order of Brilliant Jade” kay Peña bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa matatag na relasyon ng Taiwan at Paraguay.

Sa kanyang pananatili sa Taiwan, masasaksihan ni Peña ang paglagda sa iba’t ibang bilateral cooperation agreements at bibisita rin sa Southern Taiwan Science Park. Tatanggap din siya ng honorary doctorate degree mula sa National Taiwan University of Science and Technology at makikipagkita sa mga Paraguayan students na kasalukuyang nag-aaral sa Taiwan.

Kasabay ng pagbisita ni Peña, dumating din sa Taiwan ang delegasyon ng mga pangunahing negosyo mula Paraguay upang magsagawa ng investment promotion forum at makipag-ugnayan sa mga Taiwanese companies para palakasin ang economic cooperation sa pagitan ng dalawang bansa. Dadalo rin sila sa welcome banquet na ihahanda ni Foreign Minister Lin Chia-lung.

Ayon sa Ministry of Foreign Affairs, 69 na taon nang may diplomatic relations ang Taiwan at Paraguay at nananatiling matatag ang pagkakaibigan ng dalawang bansa. Sa nakalipas na mga taon, patuloy silang nagtutulungan sa larangan ng edukasyon, public health, agrikultura, at teknolohiya, kung saan marami sa mga proyekto ang nagdulot ng benepisyo sa mamamayan ng parehong bansa.

Dagdag pa ng ministry, patuloy nilang isusulong ang “Integrated Diplomacy” policy at ang “Prosperity Allies Project” upang mapalalim pa ang bilateral trade, sustainable development, at mutually beneficial partnership sa pagitan ng Taiwan at Paraguay.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解