Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Taiwan Lumaban sa Pagbaluktot ng China sa UN Resolution 2758

12/05/2026 13:40
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Sa pagbaluktot ng China sa UN Resolution 2758, sinabi ni Premier Cho na hindi dahil mas malakas ang kamao ay nasa panig na ng katarungan. Iginiit naman ng Ministry of Foreign Affairs na walang karapatan ang China na manghimasok sa paglahok ng Taiwan sa mga international organization. Larawan mula sa Executive Yuan.
Sa pagbaluktot ng China sa UN Resolution 2758, sinabi ni Premier Cho na hindi dahil mas malakas ang kamao ay nasa panig na ng katarungan. Iginiit naman ng Ministry of Foreign Affairs na walang karapatan ang China na manghimasok sa paglahok ng Taiwan sa mga international organization. Larawan mula sa Executive Yuan.

Gaganapin sa Geneva, Switzerland mula ika-18 hanggang ika-23 ang ika-79 World Health Assembly o WHA. Sa mga nakaraang araw, nagpatibay o muling nagpahayag ng posisyon ang European Parliament, Senado ng Czech Republic, at U.S. Representative to the United Nations na si Mike Waltz na ang United Nations General Assembly Resolution 2758 ay nagtatakda lamang na ang pamahalaan ng People’s Republic of China ang tanging lehitimong kinatawan ng China sa United Nations, at hindi nito tinatalakay ang political status ng Taiwan o kinikilala ang soberanya ng China sa Taiwan.

Ipinagpatuloy ngayong araw ng Legislative Yuan ang general interpellation sa administrasyon, at sa kanyang pagtatanong ay ipinahayag ni DPP Legislator Lin Yi-chin ang pangamba na hanggang ngayon ay wala pang sama-samang pahayag ang Legislative Yuan laban sa pagbaluktot ng China sa UN General Assembly Resolution 2758. Aniya, maaari itong magbigay ng impresyon na kumakanta ang Taiwan ng ibang tono kaysa sa pandaigdigang komunidad, at dahil dito ay maaaring mas lumaki pa ang panganib na haharapin ng mamamayan.

Bilang tugon, sinabi ni Premier Cho Jung-tai na ang mga makasaysayang katotohanan at katotohanan mismo ay hindi dapat nakabatay sa kung sino ang may mas malaking kamao o mas malakas na tinig. Aniya, hindi dahil mas malakas ang isang panig ay siya na agad ang tama o nasa panig ng katarungan. Ipinahayag niyang umaasa siyang makapagsasalita ang lehislatura mula sa pananaw ng pagkakaisa ng bansa at makapagbibigay ng mga pahayag sa mahahalagang pambansang polisiya na may pananagutan sa kasaysayan at nagbibigay ng katiyakan sa mga susunod na salinlahi. Sinabi rin niya na makikipag-usap siya kay Legislative Speaker Han Kuo-yu at umaasa siyang ang Executive Yuan at Legislative Yuan ay makapag-iisip nang sama-sama para sa pambansang seguridad at pambansang interes. Ani Cho, “Hindi dapat sigawan ang mangyari sa pagitan namin ni Legislative Speaker Han Kuo-yu. Madalas naman akong may pagkakataong makipag-usap sa kanya. Makikipag-usap ako sa kanya at hahanapin namin ang paraang dapat magkaisa ang dalawang pinuno ng sangay upang pag-isipan ang seguridad at interes ng bansa. Umaasa akong magkakaroon din si Speaker Han ng ganitong uri ng dayalogo na makabubuti sa bansa.”

Samantala, kaugnay ng pagtutol ng Chinese Ministry of Foreign Affairs sa paglahok ng Taiwan sa World Health Assembly batay sa tinatawag nitong one China principle, mariing nagpahayag ng protesta ngayong araw ang Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan at kinondena ang muling paggamit ng China ng mga pampulitikang dahilan upang hadlangan ang partisipasyon ng Taiwan. Ayon sa ministry, seryosong sinisira nito ang karapatan ng buong sangkatauhan sa kalusugan at lumalabag din sa pangunahing prinsipyo ng World Health Organization na “leave no one behind.” Binigyang-diin din ng ministry na walang karapatan ang China na manghimasok sa karapatan ng Taiwan na lumahok.

Sinabi ng Ministry of Foreign Affairs na ang Republika ng Tsina, Taiwan ay isang soberano at malayang bansa at hindi ito saklaw ng People’s Republic of China, at ito ang kinikilalang status quo sa Taiwan Strait sa pandaigdigang komunidad. Ayon kay Chang Chih-sa, deputy director-general ng Department of International Organizations ng ministry, “Tinatamasa ng aming bansa ang mga karapatan sa United Nations at mga kaugnay na multilateral mechanisms at international organizations. Walang karapatan ang China na manghimasok at hindi rin ito dapat humadlang.”

Muling iginiit ng Ministry of Foreign Affairs na tanging ang demokratikong inihalal na pamahalaan ng Taiwan ang lehitimong gobyernong maaaring kumatawan sa Taiwan sa labas ng bansa at sa pandaigdigang komunidad at sa mga multilateral na larangan. Iginiit din nito na hindi binabanggit ang Taiwan sa UN General Assembly Resolution 2758 at sa World Health Assembly Resolution 25.1, kaya wala umanong kaugnayan ang mga ito sa Taiwan at hindi maaaring gamitin bilang basehan upang hadlangan ang paglahok ng Taiwan sa United Nations system, kabilang ang World Health Organization, at sa iba pang multilateral mechanisms. Ayon sa ministry, tanging sa pagsasama sa Taiwan maisasakatuparan ang prinsipyong “leave no one behind.”

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解