Mismong sa tabi ng Gongtian Temple sa Baishatun, itatayo ng Taichung Tungs’ Hospital ang bagong Baishatun Mazu Hospital, at ngayong araw ay isinagawa na ang groundbreaking ceremony para sa proyekto. Sa kanyang pagdalo sa seremonya, sinabi ni Pangulong Lai Ching-te na kasabay ng pagpapatayo ng critical care building ng Ministry of Health and Welfare Miaoli Hospital, ng Zhunan branch ng Daqian Hospital, at ng Baishatun Mazu Hospital, tila may “tatlong biyayang sabay-sabay na dumating” sa medical development ng Miaoli. Aniya, malaking hakbang ito upang mapabuti ang serbisyong pangkalusugan at kapakanan ng mga residente sa coastal area, at umaasa siyang magsisikap ang lahat para maisulong ang layuning “Health Taiwan.”
Mahigit sampung taon nang tumutulong ang Taichung Tungs’ Hospital sa Baishatun Mazu walking pilgrimage, at matapos ang ilang taong paghahanda ay itatayo na nito ang Baishatun Mazu Hospital sa bakanteng lote sa tabi ng Gongtian Temple sa Tongxiao Township. Aabot sa humigit-kumulang 1,200 ping ang lawak ng lupang pagtatayuan ng ospital, at magtatayo rito ng limang palapag na gusali na magkakaroon ng 24 hour emergency room at mga outpatient clinic para sa internal medicine, surgery, obstetrics, pediatrics, at iba pang mga departamento. Inaasahang matatapos ito sa loob ng dalawang taon at layuning punan ang kakulangan sa serbisyong medikal sa tatlong coastal towns ng Houlong, Tongxiao, at Yuanli.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Lai na noong tanggapin niya ang posisyon bilang chairman ng Democratic Progressive Party noong 2022, naglibot siya sa iba’t ibang lugar upang pakinggan ang mga hinaing ng lokal na komunidad. Aniya, isa sa malinaw na pakiusap ng mga lokal na opisyal at party members sa Miaoli ay tulungan silang maresolba ang problema sa kakulangan ng serbisyong medikal kapag siya ay naging pangulo. Dahil dito, sinabi niyang matapos siyang manungkulan ay personal niyang inatasan si Premier Cho Jung-tai na buong lakas na suportahan ang medical development sa Miaoli upang maisulong ang layunin ng health equity.
Muli ring ipinaliwanag ng pangulo na siya ang unang presidente ng Taiwan na nagmula sa medical profession, kaya agad niyang inilatag ang bisyon ng “Health Taiwan” pag-upo niya sa puwesto. Kabilang sa mga pangunahing hakbang ng kanyang administrasyon ang Health Taiwan Deep Cultivation Plan, ang pagtatatag ng NT$10 billion fund para sa mga bagong gamot laban sa cancer, at ang 888 plan para sa pag-iwas at pagkontrol sa tatlong pangunahing chronic disease risks. Nagtakda rin aniya ang gobyerno ng malinaw na target laban sa cancer at chronic diseases, kabilang ang layuning mapababa ng isang-katlo ang standardized death rate pagsapit ng 2030 at mapahaba ng tatlong taon ang average life expectancy ng mga mamamayan.
Binigyang-diin ni Lai na kapag tuluyan nang naging ganap ang serbisyo ng tatlong ospital sa Miaoli, hindi lamang tataas ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa lugar kundi makakatulong din ito sa mas malawak na layunin ng bansa para sa Health Taiwan. Aniya, “Kapag mas mataas na ang antas ng serbisyo ng tatlong ospital sa Miaoli, unti-unti nang mabubuo ang maayos na health service sa aming lalawigan. Gusto naming bigyan ito ng malinaw na direksiyon, at hinihiling ko kina President Hsu, Director Tung, at sa mga kasamahan sa ministry hospital na magtulungan tayong lahat upang magpatuloy sa direksiyon ng mas malusog na kinabukasan.”
Bukod dito, tumugon din ang pangulo sa panawagan ni Miaoli County Magistrate Chung Tung-chin na sana ay bigyan pa ng central government ang Miaoli ng mas malaking budget para sa pagpapatayo ng mga paaralan. Diretsahan niyang sinabi na mas mataas ng NT$2.8 bilyon ang pondong inilaan ng central government sa Miaoli ngayong taon kumpara noong nakaraang taon, ngunit binanggit din niya na hindi pa rin naipapasa ang central government general budget at hindi pa niya nakitang malinaw na nagpahayag si Chung tungkol dito. Hiniling niya kay Chung at sa Kuomintang lawmaker mula Miaoli na si Chen Chao-ming na gamitin ang kanilang impluwensiya at mas magsalita para sa lalawigan upang agad na maipasa sa Legislative Yuan ang central budget at maituloy ang mga proyektong pangkaunlaran sa lokal na antas.