Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Sara Duterte, Nangunguna Pa Rin sa 2028 Presidential Survey

01/06/2026 14:20
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Lumabas na ang survey para sa 2028 presidential election sa Pilipinas, kung saan kasalukuyang nangunguna si Vice President Sara Duterte. Pero humaharap siya ngayon sa trial sa Senate impeachment court, at kapag napatunayang guilty, habambuhay na siyang hindi maaaring humawak ng public office. Larawan mula sa Reuters / Dazhi Images.
Lumabas na ang survey para sa 2028 presidential election sa Pilipinas, kung saan kasalukuyang nangunguna si Vice President Sara Duterte. Pero humaharap siya ngayon sa trial sa Senate impeachment court, at kapag napatunayang guilty, habambuhay na siyang hindi maaaring humawak ng public office. Larawan mula sa Reuters / Dazhi Images.

Gaganapin sa 2028 ang susunod na halalan sa pagkapangulo ng Pilipinas. Ayon sa pinakabagong survey, nananatiling nangunguna si Bise Presidente Sara Duterte, anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na malinaw nang nagpahayag ng intensiyong tumakbo sa pagkapangulo.

Ipinagawa ng Philippine think tank na Stratbase sa polling firm na Pulse Asia ang survey tungkol sa suporta ng publiko sa mga posibleng kandidato sa 2028 presidential election.

Isinagawa ang survey mula ika-3 hanggang ika-7, na may 1,500 respondents at margin of error na plus o minus 2.5%.

Batay sa resulta, kung maghaharap sina Sara Duterte at Leni Robredo, na itinuturing na popular na presidential bet ng anti-Duterte camp, 51% ng mga respondents ang nagsabing susuportahan nila si Sara, habang 41% naman ang susuporta kay Robredo. May 8% ang hindi pa nakapagdesisyon o tumangging magbigay ng sagot.

Si Robredo ay nahalal na bise presidente ng Pilipinas noong 2016 at natalo sa presidential race noong 2022. Siya ngayon ang alkalde ng Naga City. Noong Marso, nagtungo siya sa Taiwan upang dumalo sa Yushan Forum.

Ipinakita rin ng survey na ang malaking lamang ni Sara ay pangunahing nagmumula sa Mindanao, kung saan malalim ang political base ng pamilyang Duterte. Sa naturang rehiyon, umabot sa 91% ang suporta sa kanya mula sa mga respondents.

Ayon kay Stratbase President Dindo Manhit, hindi na nakapagtataka ang malakas na suporta kay Sara sa Mindanao. Ngunit batay umano sa kasaysayan, mahirap para sa isang presidential candidate na mapanatili sa mahabang panahon ang ganito kataas na antas ng suporta. Kung tatakbo si Robredo at magiging epektibo ang kanyang campaign strategy, posible pa ring lumiit ang agwat sa pagitan nila.

Idinagdag ni Manhit na ang mga online platform ang magiging pangunahing larangan ng labanan sa opinyon ng publiko sa 2028 elections. Aniya, ang mga politikong hindi epektibong makakagamit ng internet ay maaaring mawalan ng suporta mula sa kabataang botante.

Bagama’t malaki ang lamang ni Sara sa national survey, humaharap din siya sa paglilitis sa Senate impeachment court. Kapag napatunayang guilty sa impeachment trial, maaari siyang pagbawalang humawak ng anumang public office habang buhay.

Sa ilalim ng kasalukuyang Konstitusyon ng Pilipinas, ang pangulo ay may anim na taong termino at hindi maaaring tumakbo muli para sa re-election. Dahil dito, mahigpit na binabantayan ng publiko kung sino ang posibleng susuportahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang kanyang kapalit. Sa ngayon, wala pa siyang inihahayag na sinusuportahang kandidato.

Dahil inaasahang makaaapekto ang 2028 presidential election sa balanse ng kapangyarihan ng mga political dynasty at sa direksiyon ng mga polisiya ng bansa, mahigit 80% ng respondents ang nagsabing binabantayan nila ang mga development sa halalan.

Matatagpuan ang Pilipinas sa mahalagang estratehikong lokasyon sa First Island Chain at South China Sea. Sa ilalim ng administrasyong Marcos, pinalalalim ng bansa ang security cooperation nito sa Estados Unidos, Japan, Australia, New Zealand, at ilang bansa sa Europe. Kaya ang tanong kung ipagpapatuloy ba ng susunod na pangulo ang kasalukuyang direksiyon sa seguridad ay inaasahang makaaapekto rin sa strategic balance sa rehiyon.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解