Ginawaran ngayong araw, Hunyo 2, ni Pangulong Lai Ching-te si Czech Senate President Miloš Vystrčil ng “Order of Propitious Clouds with Special Grand Cordon” bilang pagkilala sa kanyang matatag na suporta sa Taiwan sa loob ng maraming taon at sa kanyang malakas na pagtatanggol sa demokrasya sa buong mundo. Ayon kay Lai, sa harap ng patuloy na paglawak ng awtoritaryanismo, handang magkaisa at magtulungan ang Taiwan at Czech Republic upang ipagtanggol ang demokrasya. Malinaw din aniyang ipinapakita ng dalawang bansa sa international community na pareho silang papanig sa kalayaan at demokrasya, at mag-aambag ng higit pang lakas para sa kapayapaan, katatagan, at kasaganaan ng mundo.
Sa kanyang talumpati, unang ipinaabot ni Lai ang mainit na pagtanggap ng mamamayan ng Taiwan kay Vystrčil sa muli nitong pagbisita sa bansa, na aniya ay isang kongkretong pagpapakita ng suporta sa Taiwan. Sinabi ng pangulo na noong 2020, sa kabila ng pressure mula sa China, ipinagpatuloy ni Vystrčil ang kanyang pagbisita sa Taiwan at binigkas sa Legislative Yuan ang makasaysayang linyang “Ako ay Taiwanese.” Ayon kay Lai, labis nitong naantig ang mamamayan ng Taiwan at ipinakita sa buong mundo ang tapang ng demokrasya, ang lakas ng pagkakaisa, at ang dakilang tradisyon ng Czech people sa pagtatanggol ng kalayaan.
Sinabi ni Lai na sa ngalan ng Republic of China, Taiwan, iginawad niya ang “Order of Propitious Clouds with Special Grand Cordon” upang parangalan si Vystrčil sa kanyang matatag na suporta sa Taiwan, malaking ambag sa relasyon ng Taiwan at Czech Republic, at matibay na pagtatanggol sa global democracy. Aniya, ang parangal ay hindi lamang simbolo ng pambihirang tapang ni Vystrčil, kundi kumakatawan din sa pinakamataas na paggalang at pasasalamat ng mamamayan ng Taiwan sa kanya. Ito rin aniya ang pinakamahusay na patunay ng matibay na pagkakaibigan ng Taiwan at Czech Republic.
Binigyang-diin ni Lai na kapwa dumaan ang Taiwan at Czech Republic sa mahabang panahon ng awtoritaryan na pamumuno, kaya lubos nilang nauunawaan na hindi madaling makamit ang kalayaan. Dahil dito, handa ang dalawang bansa na magkaisa upang ipagtanggol ang demokrasya. Sa harap ng patuloy na paglawak ng awtoritaryanismo, umaasa si Lai na patuloy na magkakapit-bisig ang Taiwan at Czech Republic upang ipadala sa mundo ang malinaw na mensaheng sila ay nasa panig ng demokrasya at kalayaan.
“Naniniwala ako na sa panahon ng kawalang-katiyakan, dapat nating malinaw na iparating sa international community ang ating mensahe. Sa hinaharap, patuloy na maglalakbay nang magkasama ang Taiwan at Czech Republic, tatayo sa panig ng kalayaan, tatayo sa panig ng demokrasya, at mag-aambag ng higit pang lakas para sa kapayapaan, katatagan, at kasaganaan ng mundo,” ani Lai.
Sinabi rin ng pangulo na sa nakalipas na mga taon, patuloy na lumalalim ang partnership ng Taiwan at Czech Republic. Hindi lamang nila pinangangalagaan ang kanilang pinagsasaluhang halaga ng demokrasya at kalayaan, kundi nakapagtatag din sila ng makabuluhang kooperasyon sa kalakalan, ekonomiya, teknolohiya, kultura, edukasyon, at iba pang larangan. Lalo na sa semiconductor sector, magkasamang nagtayo ang Taiwan at Czech Republic ng research and development center upang palalimin ang talent development.
Sa larangan naman ng artificial intelligence, sinabi ni Lai na nais ng Czech Republic na bumuo ng AI super factory ng European Union, at aktibo ring nakikilahok ang Taiwanese companies sa layuning ito. Umaasa ang pangulo na mas mapapalawak pa ng dalawang panig ang kooperasyon sa smart healthcare, information security, emerging technologies, at iba pang larangan upang patuloy na makalikha ng mga bagong milestone.
Samantala, sinabi ni Vystrčil na alam niyang tulad sa Czech Republic, madalas ding pinag-uusapan sa Taiwan ang pagbabago sa kasalukuyang international order. Aniya, tila unti-unting naitutulak sa ikalawang puwesto ang rule of law at basic freedoms, habang mas lumilitaw ang kahalagahan ng kapangyarihan. Ayon sa kanya, ang ganitong kapangyarihan ay madalas na may kasamang lakas na hindi nasasaklaw ng batas at mga patakaran, at hindi ito magandang pag-unlad.
Binigyang-diin ni Vystrčil na responsibilidad ng kanilang mga bansa na palakasin ang national resilience, labanan ang ganitong mga trend, at ipagtanggol at pangalagaan ang kalayaan at demokrasya. Dahil dito, sinabi niyang kailangan ng Czech Republic ang mga kaalyado, at labis siyang nagpapasalamat na muli siyang nakabisita sa Taiwan.