Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Ika-37 Anibersaryo ng Tiananmen: Pangulong Lai Nanawagan sa China na Kilalanin ang Katotohanan; Premier Cho: Huwag Kalimutan ang Hunyo 4

06/06/2026 12:00
Editor ng Pagsulat: 呂曉倩
Photo from CNA.
Photo from CNA.

Noong ika-4 ng Hunyo, sa ika-37 anibersaryo ng Tiananmen Square Massacre, naglabas ng pahayag si Lai Ching-te sa social media kung saan nanawagan siya sa China na harapin ang katotohanan tungkol sa mga pangyayari noong Hunyo 4, 1989, kilalanin ang kasaysayan, paghilumin ang mga sugat ng nakaraan, at simulan ang proseso ng pagkakasundo at diyalogo.

Ayon kay Lai, ang 37 taon ay sapat na panahon upang lumaki at maging ganap na adulto ang isang sanggol. Gayunpaman, nananatili pa ring hindi nalulutas ang mga sugat na iniwan ng Tiananmen Incident sa kasaysayan ng China.

Sinabi niya na noong araw na iyon 37 taon na ang nakalipas, libu-libong kabataang puno ng pangarap at adhikain ang pinaslang o nasagasaan ng mga sundalo at tangke sa mga lansangan ng Beijing, sa Tiananmen Square, at sa iba’t ibang bahagi ng China.

Ayon sa pangulo, hindi lamang buhay at kabataan ng mga kalahok sa demokratikong kilusan ang nawala noong panahong iyon, kundi pati na rin ang pag-asa at hangarin ng isang buong henerasyon para sa kalayaan at demokrasya.

Binigyang-diin ni Lai na ang tunay na kadakilaan ng isang bansa ay hindi nakabatay sa lakas ng armas o kapangyarihang militar kundi sa kakayahang tanggapin ang iba’t ibang opinyon, protektahan ang karapatan ng mamamayan na mangarap, at magkaroon ng tapang na harapin ang mahihirap na bahagi ng kasaysayan nito.

Umaasa rin siya na balang araw ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan ng China na malayang magpahayag ng kanilang pananaw at makilahok sa mga pampublikong usapin anuman ang kanilang edad o paninindigan.

Partikular niyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pakikinig sa tinig ng kabataan dahil sila aniya ang nagbibigay ng direksiyon at lakas para sa kinabukasan ng isang bansa.

Sinabi rin ni Lai na ang lakas ng mga demokratikong bansa ay hindi nagmumula sa iisang opisyal na salaysay kundi sa sama-samang tinig ng mamamayan.

Ayon sa kanya, ang isang malusog na lipunan ay dapat magsikap na bigyan ng mas mabuting buhay ang susunod na henerasyon sa halip na supilin ang kanilang mga pangarap at opinyon sa pamamagitan ng karahasan o mahigpit na pagmamatyag.

Dagdag pa niya, habang nananatiling nakatago ang katotohanan, ang pag-alala ay nagsisilbing paraan upang hindi malimutan ang kasaysayan.

Iginiit ni Lai na patuloy na makikiisa ang Taiwan sa lahat ng tao sa buong mundo na nagsusulong ng kalayaan at demokrasya hanggang sa makita ang buong katotohanan, maibsan ang mga sugat ng nakaraan, at wala nang mawalan ng buhay dahil lamang sa paghahangad ng kalayaan.

Samantala, naglabas din ng mensahe sa social media si Cho Jung-tai kung saan nanawagan siyang “Huwag Kalimutan ang Hunyo 4.”

Ayon kay Cho, ang pag-alala sa Tiananmen Incident ay hindi lamang tungkol sa kasaysayan kundi isang sama-samang pangako upang patuloy na ipagtanggol ang demokrasya, kalayaan, at karapatang pantao.

Aniya, “It’s our duty.”

Noong 1989, nagkaroon ng malawakang pro-democracy movement sa Beijing kung saan libu-libong estudyante at mamamayan ang nagtipon sa Tiananmen Square at mga karatig lugar upang humiling ng political reforms at mas mahigpit na kampanya laban sa korupsiyon.

Noong Hunyo 4 ng taong iyon, ipinadala ng pamahalaan ng China ang militar upang puwersahang buwagin ang mga demonstrasyon, na nagresulta sa malaking bilang ng mga nasawi at nasugatan. Ang insidenteng ito ay kilala ngayon sa buong mundo bilang Tiananmen Square Massacre o June 4 Incident.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解