Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Malubha Ang Pinsala Ng Lindol Sa Katimugang Pilipinas, Mga Taiwanese Negosyante Natakot Sa Tindi Ng Pagyanig

08/06/2026 15:50
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Ngayong araw ng ika-8, isang malakas na lindol ang tumama sa Mindanao sa katimugang Pilipinas. Isang shopping center sa General Santos City ang gumuho at naging bunton ng mga guho.
Ngayong araw ng ika-8, isang malakas na lindol ang tumama sa Mindanao sa katimugang Pilipinas. Isang shopping center sa General Santos City ang gumuho at naging bunton ng mga guho.

Matinding pinsala ang iniwan ng malakas na lindol na tumama sa Mindanao sa katimugang Pilipinas ngayong umaga, ika-8 ng buwan. Ilang Taiwanese businesspeople sa lugar ang nagsabi sa Central News Agency na ramdam na ramdam nila ang matinding pagyanig. Ilang gusali sa ilang lugar ang gumuho, ngunit sa kasalukuyan ay wala pang ulat ng nasawi o nasugatang Taiwanese national.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, naganap ang malakas na lindol dakong alas-7:37 ng umaga. Ang sentro nito ay nasa humigit-kumulang 24 kilometro kanluran ng Sarangani, may lalim na 35 kilometro. Naitala sa General Santos City ang pinakamataas na intensity na nasa Intensity 7.

Makalipas ang mahigit isang oras, isang magnitude 6.7 na aftershock ang naganap sa karagatang malapit sa lugar.

Sa panayam ng Central News Agency matapos ang lindol, sinabi ni Ho Chien Yi, pangulo ng Taiwan Chamber of Commerce sa Mindanao, na napakalakas ng pagyanig. Aniya, “nakakahilo” ang lakas nito. Kitang-kita rin umano ang paggalaw ng mga gamit sa kanyang bahay, at ang lalagyan na puno ng tubig ay umapaw dahil sa tindi ng pag-alog.

Tinatayang nasa 30 Taiwanese nationals ang kasalukuyang naninirahan sa Mindanao. Ayon kay Ho, wala pa silang natatanggap na ulat na may Taiwanese na nasawi o nasugatan.

Nakatira si Ho sa Davao City, ang pinakamalaking lungsod sa Mindanao, na nasa humigit-kumulang 140 kilometro mula sa General Santos City. Sinabi niya na bagama’t malayo ang Davao City sa sentro ng lindol, may mga gusali pa ring gumuho roon. Sa mga kabundukan malapit sa lugar, mahirap pa ring makuha ang buong sitwasyon dahil sa mahinang komunikasyon. Hindi rin inaalis ang posibilidad na sa mga susunod na araw ay unti-unting lalabas ang karagdagang ulat ng pinsala.

“Maraming bahay ang sariling gawa ng mga residente, kaya hindi tiyak kung pasado sa pamantayan ang kanilang estruktura. Maaaring mas maging malinaw lamang ang tunay na pinsala pagkatapos ng bukas,” ani Ho.

Sa General Santos City, kung saan pinakamalakas na naitala ang pagyanig, sinabi ng isang Taiwanese businessperson na may apelyidong Hou, na mahigit 10 taon nang nasa seafood processing industry, na napakalakas ng lindol at tumagal ito ng mahigit isang minuto. “Maraming gusali ang gumuho,” aniya. Ayon kay Hou, ilang lugar pa rin ang walang kuryente, habang idineklara na ng lokal na pamahalaan ang suspensyon ng trabaho at klase.

Sa Digos City, na matatagpuan sa pagitan ng Davao City at General Santos City, may hindi bababa sa dalawang Taiwanese businesspeople na nasa aquaculture at feed mill business.

Sinabi ni Lin Teng Feng, advisory president ng isang Taiwanese business association sa Pilipinas at negosyanteng nasa cage aquaculture industry, na matapos ang lindol ay kapansin-pansing lumakas ang alon sa dagat. Sa ilang lugar, umabot sa humigit-kumulang tatlong metro ang taas ng alon, at umapaw ang tubig-dagat hanggang sa mga kalsada sa tabing-dagat.

“Dahil masama ang kondisyon ng dagat, pansamantalang hindi nangangahas ang mga empleyado na lumabas para tingnan ang fish farms. Kaya hindi pa makumpirma kung gaano kalaki ang pinsala sa mga palaisdaan, pero posibleng nagbanggaan at nasugatan ang mga isda matapos silang magulat. Tiyak na may kaunting pagkalugi,” ani Lin.

Samantala, sinabi ni Liang Yi Yuan, isang political adviser ng Executive Yuan na nagpapatakbo ng feed mill at aquaculture farm, na nakaranas din ng malakas na lindol ang Mindanao noong 2019. Aniya, itinayo ang kanyang pabrika matapos ang lindol na iyon at espesyal na pinalakas ang disenyo nito laban sa pagyanig. Dahil dito, maayos ang kalagayan ng kanyang operasyon matapos ang pinakahuling lindol, at normal pa ring tumatakbo ang kanyang fish farm at pabrika.

Batay sa paunang ulat ng pulisya sa Mindanao, hanggang alas-11 ng umaga ay tatlo na ang kumpirmadong nasawi at apat ang nasugatan. Naitala rin ang pinsala sa dalawang paaralan, dalawang ospital, dalawang bahay, at 14 na commercial buildings. Nawalan din ng kuryente ang 24 na barangay.

Naka-full alert na ang mga lokal na rescue unit, habang nagsasagawa na ng precautionary evacuation sa mga baybaying lugar.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解