Kasalukuyang pinamumunuan ni Vice President Hsiao Bi Khim ang delegasyon ng Taiwan sa pagbisita sa kaalyadong bansang Palau. Nitong umaga, ika-9 sa lokal na oras, sinuri niya ang implementasyon ng Malakal Island Development Project at bumisita sa Palau National Aquaculture Center upang makita ang mga resulta ng kooperasyon ng Taiwan at Palau. Sinabi ni Vice President Hsiao na mahalaga sa mga residente ng Palau ang pangangalaga sa karagatan. Sa loob ng maraming taon, tumulong ang technical mission ng Taiwan sa Palau sa pagsusulong ng aquaculture para sa rabbitfish at milkfish, na nag-ambag sa lokal na ekonomiya. Dagdag niya, patuloy na tutulungan ng Taiwan ang Palau na paunlarin ang mga industriyang isinasaalang-alang ang parehong ekolohiya at ekonomiya.
Pumasok na sa ikaapat na araw ang “Palau Prosperity Trip” ni Vice President Hsiao. Nitong umaga, ika-9 sa lokal na oras, bumisita siya sa Palau National Aquaculture Center upang tingnan ang pagpapalaki ng rabbitfish, broodstock fish, sea cucumber broodstock, at milkfish. Nagpakain din siya ng feeds sa milkfish pond bago bumisita sa giant clam restoration center.
Sa panayam ng media matapos ang pagbisita, sinabi ni Hsiao na ang aquaculture ay isa sa mahahalagang proyekto ng kooperasyon ng Taiwan at Palau. Sa nakalipas na mga taon, malaki ang inilaan na pagsisikap ng Taiwan technical mission sa Palau para sa pag-aalaga ng rabbitfish, milkfish, at iba pang species, na nakatulong sa lokal na ekonomiya. Gayunman, dahil lubhang pinahahalagahan ng Palau ang marine conservation, kailangan pa ring palawakin ang promosyon ng aquaculture industry pagdating sa fish for consumption.
Ibinahagi rin ni Vice President Hsiao na personal siyang dinala ni Palau President Surangel S. Whipps, Jr. upang maunawaan ang kaniyang pananaw para sa hinaharap na pag-unlad ng industriya sa Palau, kabilang ang direksiyon ng land-based aquaculture. Gamit ang milkfish bilang halimbawa, sinabi niyang bukod sa pagiging pagkain, inaasahan din ng panig ng Palau na sa hinaharap ay maaari itong gamitin bilang fish bait at sa iba pang aplikasyon. Kaya marami pang posibleng gamit at industrial concepts ang maaaring paunlarin. Ayon kay Hsiao, “Marami talaga silang ideya. Sa puntong ito, patuloy na makikipagtulungan ang aming professional technical mission sa kanila upang paunlarin ang mga kaugnay na industriya na pinakaangkop sa Palau at kayang pagsabayin ang ekolohiya at ekonomiya.”
Bukod dito, nagtungo rin si Vice President Hsiao sa Long Island Park upang suriin ang implementasyon ng Malakal Island Development Project. Ang Malakal Island Development Project ay isa sa mahahalagang proyekto sa ilalim ng “Prosperity Project” ng Taiwan at Palau. Layunin nitong tulungan ang gobyerno ng Palau na paunlarin ang iba’t ibang recreational facilities sa Malakal Island para magamit ng lokal na mamamayan at mga turista. Hindi lamang ito makatutulong sa pagpapabuti ng kapakanan ng mga residente, maaari rin itong makahikayat ng mas maraming turista at makapagpasigla ng lokal na ekonomiya.
Pagdating ng bise presidente, nakinig muna siya sa briefing ng CECI Engineering Consultants tungkol sa implementasyon ng Malakal Island Development Project. Ayon sa briefing, upang matulungan ang Palau sa promosyon ng turismo, kabilang ang sustainable tourism, pangangalaga sa island ecology, at pagbuo ng natatanging tourism brand ng Palau, tututok ang proyekto sa dalawang pangunahing larangan: ang Long Island Park Development Project at ang pagtatayo ng pedestrian walkways at bicycle lanes. Sa unang yugto, muling aayusin ang kasalukuyang pasilidad ng Long Island Park. Maglalagay ng coastal park walkway, suspension bridge, water play platform, at iba pang recreational facilities na angkop sa lahat ng edad. Magtatayo rin ng pedestrian walkways at bicycle lanes sa Koror, Palau upang mapabuti ang lokal na transportasyon.
Sinabi ni Vice President Hsiao na matagal nang kilala ang Palau bilang destinasyong umaakit ng turista dahil sa karagatan nito. Sa mga susunod na yugto, patuloy silang makikipag-usap sa mga lokal na residente tungkol sa mga kaugnay na proyekto upang matiyak na tugma ito sa pangangailangan ng komunidad. Umaasa siyang sa pamamagitan ng mas kumpletong land-based recreational facilities, makakalikha sila kasama ang mga residente ng bagong tourism highlight na may sariling katangian at nakaangkla sa sustainability.