Pormal nang binuksan ang “Taiwan Friendship Building” sa UNBROKEN Ecosystem medical complex sa lungsod ng Lviv, Ukraine, bilang bahagi ng patuloy na suporta ng Taiwan sa rehabilitasyon, rekonstruksiyon, at pagbangon ng mamamayang Ukrainian mula sa pinsala ng digmaan.
Noong Hunyo 11, online na dumalo si Foreign Minister Lin Chia-lung sa unveiling ceremony ng gusali. Ayon kay Lin, ang Taiwan Friendship Building ay hindi lamang sumisimbolo sa pagkakaibigan at pagkakaisa ng mga mamamayan ng Taiwan at Ukraine, kundi nagpapakita rin ng konkretong resulta ng tulong ng Taiwan sa muling pagtatayo ng serbisyong medikal at pang-araw-araw na pamumuhay sa Ukraine.
Sinabi ni Lin na mula nang simulan ng Russia ang malawakang pagsalakay sa Ukraine, ipinakita ng mamamayang Ukrainian ang kanilang matibay na kalooban at katatagan sa pagtatanggol sa kalayaan at demokrasya. Dagdag niya, kapwa hinaharap ng Taiwan at Ukraine ang banta ng awtoritaryanismo, kaya mas nauunawaan ng Taiwan ang kalagayan at pangangailangan ng Ukraine.
Nagpasalamat naman si Lviv Mayor Andriy Sadovyy sa pamahalaan at mamamayan ng Taiwan sa patuloy na tulong sa Ukraine habang patuloy itong naaapektuhan ng digmaan. Inilarawan niya ang suporta ng Taiwan sa kasabihang “A friend in need is a friend indeed,” o ang tunay na kaibigan ay nakikilala sa panahon ng kagipitan.
Ayon kay Sadovyy, ang Taiwan Friendship Building ay magsisilbing rehabilitation center na may 55 kama at kayang magbigay ng pangangalaga sa tinatayang 27,000 sugatan bawat taon. Layunin nitong magbigay ng mas maayos na rehabilitasyon at serbisyong medikal para sa mga biktima ng digmaan.
Ayon sa Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan, tumulong ang ahensya noong 2024 sa rekonstruksiyon ng UNBROKEN Ecosystem medical complex sa Lviv. Bilang pagkilala sa suporta ng Taiwan sa pagbangon ng Ukraine, pinangalanan ng pamahalaang lungsod ng Lviv ang inayos na rehabilitation medical center bilang “Taiwan Friendship Building.”