Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Taiwan Naglunsad ng Bagong Circular Mark Bilang Pagtulak sa Sustainable Economy

12/06/2026 13:50
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
The Ministry of Environment and Rotary International District 3522 jointly hosted the “Green Gather” Circular Products Exhibition, with an opening press conference held on the 12th. Photo by Liu Pin-hsi
The Ministry of Environment and Rotary International District 3522 jointly hosted the “Green Gather” Circular Products Exhibition, with an opening press conference held on the 12th. Photo by Liu Pin-hsi

Pormal na inilunsad ng Ministry of Environment ng Taiwan ang bagong “Circular Mark” bilang bahagi ng mas malawak na hakbang ng bansa tungo sa circular economy at sustainable production.

Ang paglulunsad ay isinagawa ngayong Hunyo 12 sa Songshan Cultural and Creative Park sa pagbubukas ng 《Green Gather 綠集》 Circular Products Exhibition, na katuwang na inorganisa ng Ministry of Environment at Rotary International District 3522. Ang eksibisyon ay tatakbo mula Hunyo 13 hanggang Hulyo 26, kasabay ng Rotary International Convention sa Taipei Dome, kung saan inaasahang dadalo ang libo-libong Rotary members at international visitors mula sa mahigit 100 bansa.

Ayon kay Environment Minister Peng Chi-ming, ang circular economy ay magiging “pasaporte” ng Taiwan sa pandaigdigang merkado, dahil mas hinahanap na ngayon ng international market ang mga produktong may malinaw na sustainability value. Sinabi niya na ang bagong Circular Mark ay nagpapakita ng kakayahan ng Taiwan na makipagsabayan sa mundo pagdating sa green branding, innovation, at sustainable competitiveness.

Ang bagong marka ay may disenyo ng berdeng suso na pinagsama ang spiral at circular arrow symbols. Layunin nitong tulungan ang mga mamimili na madaling makilala ang mga produktong gawa mula sa recycled materials, madaling i-recycle, o dinisenyo upang mabawasan ang basura mula pa lamang sa pinagmulan.

Nauna rito, ipinasa ng Legislative Yuan noong Hunyo 2 ang Resource Circulation Promotion Act, na ginagawang bahagi ng batas ang green design at source reduction. Itinuturing itong mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng resource circulation system ng Taiwan at sa pagpapatupad ng mas sustainable na produksyon at pagkonsumo.

Ayon sa Resource Circulation Administration, maaari nang mag-apply ang mga kwalipikadong produkto para sa Circular Mark. Saklaw nito ang limang pangunahing kategorya, kabilang ang textiles, plastics, glass containers, circular services, at inorganic materials. Kapag pumasa sa pagsusuri, maaaring ilagay ang marka sa produkto. Maaari ring i-scan ng mga mamimili ang QR Code upang makita ang impormasyon tungkol sa produkto, materyales na ginamit, at pinagmulan ng mga ito.

Sinabi rin ng ahensya na bibigyan ng prayoridad ng pamahalaan sa procurement ang mga produktong may Circular Mark. Layunin nitong suportahan hindi lamang ang mga negosyo, kundi pati ang mas malawak na paglipat ng Taiwan tungo sa isang ekonomiyang mas responsable sa kapaligiran.

Tampok sa Green Gather exhibition ang 27 kumpanya at 56 produktong gawa sa Taiwan na may international competitiveness. Kabilang dito ang mga produktong gumagamit ng recycled packaging, hibla mula sa pineapple leaves, eco-friendly umbrellas mula sa recycled plastic bottles at tires, modular umbrellas na madaling ayusin at palitan ang piyesa, at iba pang sustainable solutions mula sa mga lokal na negosyo.

Bukas ang eksibisyon sa publiko nang libre at inaasahang magsisilbing oportunidad upang ipakita sa mga lokal at dayuhang bisita ang lumalaking kakayahan ng Taiwan sa circular industry at green innovation.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解