Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Chiang Nanawagan Na Ibasura Ang Mga Nominado Sa Control Yuan, DPP Nanawagan Ng Charter Reform

13/06/2026 12:00
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Isinagawa noong Hunyo 11 sa Presidential Office ang press conference para ipakilala ang nominees para sa ika-7 term ng Control Yuan president, vice president, at Control Yuan members. Pinangunahan ni Vice President Hsiao Bi-khim ang press conference, kasama si Control Yuan president nominee Chen Yung-hsing, vice president nominee Wang Jung-chang, at Presidential Office Secretary-General Pan Men-an. Larawan mula sa Central News Agency.
Isinagawa noong Hunyo 11 sa Presidential Office ang press conference para ipakilala ang nominees para sa ika-7 term ng Control Yuan president, vice president, at Control Yuan members. Pinangunahan ni Vice President Hsiao Bi-khim ang press conference, kasama si Control Yuan president nominee Chen Yung-hsing, vice president nominee Wang Jung-chang, at Presidential Office Secretary-General Pan Men-an. Larawan mula sa Central News Agency.

Inilabas ng Presidential Office noong Huwebes ang listahan ng mga nominado para sa ika-7 termino ng presidente, bise presidente at mga miyembro ng Control Yuan. Sa isang Facebook post nitong Biyernes, nanawagan si Taipei Mayor Chiang Wan-an sa mga mambabatas ng oposisyon na ibasura ang buong listahan kapag ginamit nila ang kanilang kapangyarihan sa pag-apruba ng mga nominasyon. Hinimok din niya ang muling pagtalakay sa pananatili o pagbuwag sa Control Yuan. Bilang tugon, sinabi ni DPP legislative caucus whip Tsai Chi-chang na kung nais ng Kuomintang na buwagin ang Control Yuan, dapat nitong itulak ang pag-amyenda sa konstitusyon sa halip na gawing pampulitikang pagharang ang usapin ng mga nominasyon.

Magtatapos sa Hulyo 31 ang termino ng ika-6 na pangkat ng mga miyembro ng Control Yuan. Inilabas ng Presidential Office noong Huwebes ang listahan ng 29 nominado para sa susunod na termino, kabilang si dating Taiwan Association for Human Rights President Chen Yung-hsing bilang presidente ng Control Yuan at kasalukuyang Control Yuan member Wang Jung-chang bilang bise presidente.

Sa kanyang Facebook post, iminungkahi ni Chiang sa mga caucus ng KMT at Taiwan People’s Party na ibasura ang nominasyon ng mga opisyal ng Control Yuan at pag-isipan ang pagbuwag sa institusyon. Sa pagdalo niya sa Nantou Chocolate Coffee Festival nitong Biyernes ng umaga, sinabi ni Chiang na nakita ng publiko na hindi aktibong ginampanan ng Control Yuan ang tungkulin nito. Aniya, umiwas ito sa maraming isyung sinusubaybayan ng lipunan, binitawan nang magaan ang mga kaso, at minsan ay naging kasangkapan sa bangayan ng mga partido o sa pagpapaputi ng imahe ng mga politiko.

Binanggit ni Chiang ang kontrobersya sa pagbili ng bakuna noong panahon ng pandemya, ang mataas na presyong pag-angkat ng itlog ng Chaosi Co. sa ilalim ng kontrata ng Ministry of Agriculture, at ang kontrobersya sa bidding ng mga military procurement project ng Ministry of National Defense. Aniya, walang ginawa ang Control Yuan na nakapagbigay ng tiwala sa publiko kaya dapat itong buwagin.

“Nakita natin na walang ginawa ang Control Yuan na nakapagkumbinsi sa mamamayan. Ang sahod at benepisyo nila ay mula sa pinaghirapan ng publiko, kaya naniniwala akong dapat nang buwagin ang Control Yuan,” sabi ni Chiang. “Mula noon hanggang ngayon, sinuportahan din ng DPP ang pagbuwag sa Control Yuan. Iminumungkahi ko sa KMT at TPP caucuses sa Legislative Yuan na pag-isipang ibasura ang lahat ng 29 nominado upang pansamantalang ma-freeze ang operasyon ng Control Yuan, at pagkatapos ay maghanap ng konsensus sa pagitan ng mga partido para sa constitutional reform na magbubuwag dito.”

Sa Legislative Yuan, sinuportahan nina KMT lawmakers Wang Hung-wei at Lo Chih-chiang ang posisyon ni Chiang. Sinabi rin ni KMT caucus whip Fu Kun-chi na makikipag-ugnayan ang caucus sa pamunuan ng partido at mahigpit na susuriin ang listahan ng mga nominado sa Control Yuan.

Bilang tugon, sinabi ni DPP caucus whip Tsai Chi-chang na kung nais ng KMT na buwagin ang Control Yuan, dapat nitong agad itulak ang constitutional reform at talakayin kung dapat bang gumamit ang Taiwan ng three-branch o five-branch system of government sa hinaharap. Aniya, hindi sapat na basta harangin ang lahat ng nominasyon ng mga miyembro ng Control Yuan.

“Handang pag-usapan ng lahat kung paano dapat baguhin ang constitutional structure ng Taiwan,” sabi ni Tsai. “Pero kung ayaw talakayin ang sistema at ang tanging dahilan ng pagtutol ay dahil ang listahan ay isinumite ng DPP government, anuman ang laman nito, ito ay pagharang lamang sa appointment. Isa lamang itong political move at malinaw na pagtatangkang tutulan ang DPP government, hindi seryosong panukala para baguhin ang gobyerno ng Taiwan.”

Sinabi rin ni DPP Taipei mayoral candidate Puma Shen na nakapagtataka na si Chiang, bilang alkalde ng Taipei, ay bihirang tumugon sa maraming isyung panglungsod ngunit madalas magbigay ng pahayag sa mga usaping pambansang politika.

Ayon kay Shen, noong mayorya pa ang DPP sa lehislatura, iminungkahi nito ang pagbuo ng constitutional amendment committee, ngunit tumanggi ang KMT na lumahok. Aniya, hindi pare-pareho ang posisyon ng KMT ngayong muling inilalabas nito ang usapin ng pagbuwag sa Control Yuan. Idinagdag niya na may mahahalagang panukala pa sa Legislative Yuan, kabilang ang national budget at military procurement, na kailangang aksyunan. Kung tunay na pinapahalagahan ang sistema at pag-unlad ng bansa, dapat umanong agad suriin ang badyet sa halip na pumili lamang ng mga isyung gagamitin sa pampulitikang bangayan.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解