Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

TSMC Dumating Na Sa Pingtung, Semiconductor Zone Sinimulan Sa Pangako Ni Lai Na Itayo Ang Greater Southern Technology Corridor

13/06/2026 12:00
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Dumalo sina Pangulong Lai Ching-te at TSMC Chairman C.C. Wei sa joint groundbreaking ceremony ng “Semiconductor Supply Chain Zone” sa Pingtung Science Park nitong ika-12, hudyat ng opisyal na pagpasok ng semiconductor industry chain sa Pingtung. Larawan mula sa Facebook page ni Pangulong Lai Ching-te.
Dumalo sina Pangulong Lai Ching-te at TSMC Chairman C.C. Wei sa joint groundbreaking ceremony ng “Semiconductor Supply Chain Zone” sa Pingtung Science Park nitong ika-12, hudyat ng opisyal na pagpasok ng semiconductor industry chain sa Pingtung. Larawan mula sa Facebook page ni Pangulong Lai Ching-te.

Dumalo sina Pangulong Lai Ching-te at TSMC Chairman C.C. Wei nitong Biyernes sa joint groundbreaking ceremony ng “Semiconductor Supply Chain Zone” sa Pingtung Science Park, na hudyat ng opisyal na pagpasok ng semiconductor industry chain sa Pingtung. Binigyang-diin ni Lai na tutugunan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga kompanya sa tubig, kuryente at lupa, habang itinutulak ang pag-uugnay ng Greater Southern Technology Corridor upang tulungan ang mga kompanyang Taiwanese na manatiling nakaugat sa Taiwan habang lumalawak sa pandaigdigang merkado.

Dumalo si Lai sa seremonya kasama sina Presidential Secretary-General Pan Men-an, National Science and Technology Council Minister Wu Cheng-wen, TSMC Chairman C.C. Wei, at iba pang kinatawan mula sa pamahalaan, industriya, akademya at research sector. Opisyal ding idineklara sa seremonya ang pagpasok ng semiconductor industry sa Pingtung, bilang bahagi ng pagtulak sa pag-upgrade ng regional technology industries.

Sinabi ni Lai na pormal nang sasalubungin ng Pingtung ang semiconductor industry, at naniniwala siyang malaki ang magiging pag-unlad ng lalawigan sa hinaharap. Aniya, hindi lamang TSMC ang papasok sa Pingtung, kundi ang kabuuang industry chain, bagay na magpapalakas at magpapakumpleto sa semiconductor sector ng Taiwan habang pinalalawak nito ang operasyon sa buong mundo.

Pinasalamatan din ni Lai ang TSMC, partikular si Wei, na ipinagpaliban ang nakatakdang biyahe sa Estados Unidos upang dumalo sa groundbreaking ceremony. Ayon kay Lai, ipinapakita nito ang determinasyon ng TSMC na suportahan ang Pingtung at manatiling nakaugat sa Taiwan.

“Nasa Taiwan ang puso ng TSMC, at nasa Taiwan din ang ugat ng TSMC,” sabi ni Lai. “Kung lalawak man ang TSMC sa buong mundo, ang Taiwan pa rin ang makikinabang nang pinakamalaki.”

Binigyang-diin ni Lai na kailangang magkaroon ng balanseng pag-unlad ang Taiwan. Dahil dito, plano ng pamahalaan na bumuo ng semiconductor industry chain technology corridor mula Chiayi, Tainan at Kaohsiung hanggang Pingtung. Para naman sa pangangailangan ng mga negosyo sa tubig, kuryente, lupa at talento, sinabi niyang sisikapin ng kanyang administrasyon na tugunan ang mga ito.

Ipinaliwanag ni Lai na halos tapos na ang “Water Pearl Plan,” na nag-uugnay sa paggamit ng water resources, kaya hindi umano magkakaroon ng problema sa suplay ng tubig sa hinaharap. Sa usapin ng kuryente, sinabi niyang nasa humigit-kumulang 20 porsyento ang recent power reserve margin ng Taiwan, habang nagpapatuloy ang iba’t ibang power infrastructure projects. Sa lupa naman, sinabi niyang mula sa administrasyon ni dating Pangulong Tsai Ing-wen hanggang sa kasalukuyan, nakapagbukas ang pamahalaan ng 1,305 ektarya ng science park land sa loob ng 10 taon, kaya may sapat na lupa para sa malalaking international companies na gustong mamuhunan sa Taiwan.

Sa usapin ng manpower, sinabi ni Lai na itinutulak din ng pamahalaan ang Act for the Recruitment and Employment of Foreign Professionals, habang patuloy na nirerepaso ang iba pang labor and talent policies. Aniya, patuloy ding niluluwagan ng Ministry of Labor ang mga regulasyon batay sa pangangailangan ng lipunan.

“Patuloy ang Ministry of Labor sa pagluwag ng mga patakaran. Hindi na lamang ito para sa manufacturing industry, at hindi lamang para sa service industry. Niluluwagan na rin ang agriculture, pati ang household sector, batay sa pangangailangan ng Taiwanese society,” sabi ni Lai.

Sinabi ni Lai na sa pamamagitan ng mga hakbang ng pamahalaan sa tubig, kuryente, lupa at manpower, nais nitong ipakita sa mga lokal at global companies na bukas ang Taiwan sa investment. Sa ganitong paraan, aniya, makatatayo ang mga negosyo sa Taiwan, makalalawak sa buong mundo at makatutulong hindi lamang sa sariling pag-unlad ng bansa, kundi maging sa global economic growth.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解