Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Tang Prize Sa Biotech Medicine Iginawad Sa Tatlong Siyentista Sa Cancer Immunotherapy

16/06/2026 13:30
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Nagsagawa ang Tang Prize Foundation ng press conference sa Taipei noong ika-16 para ianunsyo ang mga nagwagi sa 2026 Tang Prize in Biopharmaceutical Science. Dumalo sa event sina Tang Prize Foundation CEO Chen Chen-chuan, Taipei Medical University senior adviser Ho Hung-neng, Tang Prize Biopharmaceutical Science selection committee convenor Chang Wen-chang, at Academia Sinica academicians Wang Hui-chun at Chen Ling-chin. Inanunsyo nila na magkakasamang ginawaran ang tatlong mahahalagang scientists sa larangan ng cellular immunotherapy na sina Steven A. Rosenberg, Michel Sadelain at Carl H. June. Larawan mula sa Central News Agency.
Nagsagawa ang Tang Prize Foundation ng press conference sa Taipei noong ika-16 para ianunsyo ang mga nagwagi sa 2026 Tang Prize in Biopharmaceutical Science. Dumalo sa event sina Tang Prize Foundation CEO Chen Chen-chuan, Taipei Medical University senior adviser Ho Hung-neng, Tang Prize Biopharmaceutical Science selection committee convenor Chang Wen-chang, at Academia Sinica academicians Wang Hui-chun at Chen Ling-chin. Inanunsyo nila na magkakasamang ginawaran ang tatlong mahahalagang scientists sa larangan ng cellular immunotherapy na sina Steven A. Rosenberg, Michel Sadelain at Carl H. June. Larawan mula sa Central News Agency.

Inihayag ngayong araw, ika-16, ang mga nagwagi sa 2026 Tang Prize in Biopharmaceutical Science, bahagi ng ikapitong edisyon ng Tang Prize. Ang parangal ay itinatag sa pamamagitan ng personal na donasyon ng Taiwanese entrepreneur na si Samuel Yin, na humalaw sa diwa ng Nobel Prize at naglalayong isulong ang espiritu ng Tang Dynasty. May apat na pangunahing kategorya ang Tang Prize, kabilang ang Sustainable Development, Biopharmaceutical Science, Sinology at Rule of Law.

Magkakasamang ginawaran sina Steven A. Rosenberg, Michel Sadelain at Carl H. June, tatlong mahahalagang siyentista sa larangan ng cellular immunotherapy, bilang pagkilala sa kanilang pagtuklas at pagpapaunlad ng tumor-infiltrating lymphocytes, o TIL, at chimeric antigen receptor T-cell, o CAR-T, therapy. Ayon sa Tang Prize Foundation, binago ng kanilang mga ambag ang paggamot sa blood cancers at solid tumors.

Sinabi ng Tang Prize Foundation na ang immune suppression sa tumor microenvironment ay nagdudulot ng unti-unting pagkapagod ng T cells, na karaniwang responsable sa pagkilala at pag-atake sa cancer cells. Ginagamit ng cellular immunotherapy ang sariling immune cells ng pasyente, kabilang ang genetically engineered CAR-T cells, upang aktibong tukuyin at sirain ang cancer cells. Itinuturing ito na isa sa pinakamalalaking breakthrough sa cancer treatment nitong mga nakaraang taon.

Ayon sa foundation, binuksan ng pananaliksik ng tatlong laureate ang bagong panahon ng tinatawag na living medicines at nagkaroon ng malawak na impluwensiya sa larangan ng medisina.

Sinabi ni Chang Wen-chang, convenor ng selection committee para sa Tang Prize in Biopharmaceutical Science, na mahalaga ang naging ambag ng mga nagwagi sa paggamit ng T cells bilang proteksiyon ng katawan laban sa sakit.

“Ang T cells ng ating immune system ay may tungkuling protektahan ang ating katawan. Ang pangunahing ambag ng mga nagwagi ngayong taon ay ang pagpapalakas sa mahalagang papel ng T cells sa proteksiyong ito, kaya isa itong malaking breakthrough sa cellular immunotherapy,” ani Chang.

Dagdag ni Chang, sa larangan ng tumor immunology, ang unang Tang Prize laureates na sina James P. Allison at Tasuku Honjo ay nakatuklas ng CTLA-4 at PD-1 immune checkpoints, na nagbigay-daan sa pagbuo ng immune checkpoint inhibitor antibody drugs. Nagdala ito ng mahalagang pag-unlad sa paggamot sa iba’t ibang uri ng cancer, lalo na sa ilang solid tumors.

Aniya, ang tatlong nagwagi ngayong taon ay nakatuon naman sa cellular immunotherapy. Matagumpay nilang nagawang gawing makapangyarihang sandata laban sa cancer ang immune system ng tao, na nagbigay ng breakthrough treatment para sa leukemia, lymphoma at multiple myeloma.

Sinabi ni Tang Prize Foundation Chief Executive Chen Chen-chuan na ang mga nagwagi sa Biopharmaceutical Science sa mga nakaraang taon ay tila paisa-isang bumubuo sa malaking puzzle ng biotechnology at medicine. Pinuri niya ang selection committee sa pagpili mula sa pinakamataas na antas ng pandaigdigang agham, at nanawagan sa Taiwan na pag-ugnayin ang gobyerno, industriya at akademya upang lalo pang isulong ang biopharmaceutical sector ng bansa.

Sinabi rin ni Chen na inaasahang personal na pupunta sa Taiwan ang tatlong laureate para dumalo sa awarding ceremony. Magkakaroon din sila ng pagkakataong makipag-usap sa mga high school student, college student at kabataan sa Taiwan.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解