Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Lanyu At Green Island, Sabay Nasilayan Bago Ang Bagyo

10/07/2026 13:20
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Bago dumating ang bagyo, sabay na malinaw na nakikita ng naked eye mula sa Taitung ang Lanyu at Green Island. Ang nasa larawan ay Lanyu. Photo courtesy of Alian 96.3 Indigenous Radio.
Bago dumating ang bagyo, sabay na malinaw na nakikita ng naked eye mula sa Taitung ang Lanyu at Green Island. Ang nasa larawan ay Lanyu. Photo courtesy of Alian 96.3 Indigenous Radio.

Patuloy na lumalapit ang Bagyong Bavi, habang muling pinag-uusapan sa Taitung ang isang matagal nang paniniwala. Ayon sa kuwento, kapag sabay at malinaw na nakikita ng mata mula sa Taitung ang Lanyu at Green Island, nangangahulugan umano itong may paparating na bagyo. Muling umingay sa social media ang paniniwalang ito, kaya nagbigay ng siyentipikong paliwanag ang lokal na weather station.

Sa gitna ng paglapit ng Bagyong Bavi, may isang residente kamakailan na nakakuha ng larawan mula sa Fugang Fishing Port kung saan sabay at malinaw na makikita ang Green Island at Lanyu. Agad itong pinag-usapan ng mga netizen. Matagal nang umiikot sa Taitung ang kasabihang, “Kapag nakikita ang Lanyu at Green Island, paparating na ang bagyo.” Marami ring residente ang nagsabing narinig na nila ito mula sa kanilang mga nakatatanda.

Hindi lamang mga ordinaryong residente ang nakaaalam sa paniniwalang ito. Maging ang mga mangingisdang matagal nang naghahanapbuhay sa dagat ay nagsabing nagmula raw ang kuwento sa mga beteranong kapitan ng barko noong unang panahon.

Ngunit isa nga lamang ba itong urban legend? Ayon sa Taitung Weather Station, karaniwan talagang mas malinaw ang tanawin sa baybayin bago dumating ang isang bagyo. Kaugnay ito ng Pacific high-pressure system at ng hanging nasa panlabas na bahagi ng bagyo.

Ipinaliwanag ni Chen Baiyu, direktor ng Taitung Weather Station, na mas malakas nitong mga nakaraang araw ang Pacific high-pressure system. Kapag nasasakop ng sistemang ito ang lugar at sinasabayan pa ng pababang hangin mula sa panlabas na bahagi ng bagyo, nagiging mas tuyo ang hangin at nababawasan ang moisture. Dahil dito, gumaganda ang visibility at tumataas ang posibilidad na sabay na makita ang Green Island at Lanyu.

Hindi lamang sa Taitung naranasan ang napakalinaw na tanawin. Kamakailan, mula sa Lanyu Weather Station ay nakita rin sa pamamagitan lamang ng mata ang isang maliit na isla sa Pilipinas na nasa layong 114 kilometro.

Nagbabala ang weather station na bagaman kahanga-hanga ang tanawin, maaari rin itong maging palatandaan ng papalapit na bagyo. Pinayuhan ang publiko na huwag magpakampante at patuloy na bantayan ang mga opisyal na abiso sa lagay ng panahon.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解