Mariing tinutulan ng Pilipinas ang pahayag ng ilang Chinese scholars na pag-aari umano ng China ang Batanes. Tinawag ng Department of Foreign Affairs ng Pilipinas na isang “imposibleng pantasiya” ang naturang pag-aangkin at iginiit na matagal nang malinaw at hindi mapagtatalunan ang soberanya ng bansa sa Batanes.
Noong Hunyo 30, nagsagawa ng academic conference ang Philippine Studies Center ng Jinan University sa Guangzhou. Ayon sa inilabas na pahayag ng unibersidad, sinabi ng ilang scholars na batay umano sa heograpiya, kultura, kasaysayan, at batas, ang Batanes ay legal na bahagi ng “Taiwan island ng China.”
Ikinatwiran din nila na ang Batanes ay dating bahagi ng Austronesian cultural sphere ng Taiwan. Ayon sa kanilang pahayag, ang mga Ivatan na naninirahan sa mga isla ay kauri umano ng mga Indigenous people sa Taiwan at mas malapit sa kultura ng mga ito kaysa sa mga Pilipino.
Ibinunyag ng maritime monitoring group na SeaLight noong Hulyo 9 ang mga pahayag ng Chinese scholars, dahilan upang agad itong umani ng reaksiyon sa Pilipinas.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng Philippine Department of Foreign Affairs na malinaw na pag-aari ng Pilipinas ang Batanes. Bilang patunay, binanggit nito na ang Chinese Consulate sa Laoag, na pinahintulutang mag-operate ng gobyerno ng Pilipinas, ay may hurisdiksiyon na sakop ang Batanes.
Iginiit ng DFA na hindi papatulan ng Pilipinas ang anumang rebisyunistang pag-aangkin sa teritoryo nito. Hinimok din nito ang mga tinaguriang Chinese scholars na ituon ang kanilang panahon sa tapat at makabuluhang pananaliksik, sa halip na lumikha ng mga kuwentong nagtatangkang baguhin ang kasaysayan.
Tinawag naman ni Philippine military spokesperson for West Philippine Sea affairs Roy Vincent Trinidad na walang batayan ang pahayag na ang Batanes ay extension ng Taiwan. Ayon sa kanya, bahagi ito ng tinatawag na “salami slicing” sa information domain, kung saan unti-unting gumagawa ng maling makasaysayan at legal na kuwento upang baguhin ang pananaw ng international community at ihanda ang daan para sa posibleng pagpapalawak ng teritoryo.
Mas matapang naman ang naging pahayag ni Philippine Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na tinawag na katawa-tawa at walang anumang factual basis ang pag-aangkin. Kinuwestiyon din niya kung kontrolado ng Chinese Communist Party ang mga scholars na naglabas ng naturang pahayag.
Ayon kay Teodoro, maaaring senyales ang naturang argumento ng mas malawak na strategic intention ng China. Aniya, lalo lamang nitong pinatutunayan ang pangamba ng Pilipinas sa posibleng expansionist agenda ng Beijing.
Ang Batanes ang pinakahilagang grupo ng mga isla sa Pilipinas at nasa humigit-kumulang 100 kilometro lamang mula sa Lanyu ng Taiwan. Matagal nang may ugnayang pandagat ang mga komunidad sa dalawang lugar.
Noong nakaraang buwan, tumawid sa Bashi Channel ang mga Tao Indigenous people mula Lanyu sakay ng malaking tradisyonal na bangkang “Golden Friendship” upang bisitahin ang kanilang mga kamag-anak sa Batanes. Ipinagkaloob din nila ang bangka sa Batanes bilang simbolo ng pagkakaibigan ng dalawang komunidad.