Ayon sa Central Weather Administration ng Ministry of Transportation and Communications, unti-unti nang lumalayo ang bagyo ngayong Hulyo 12 kaya inaasahang hihina na ang ulan at hangin sa iba’t ibang lugar. Magiging timog-kanluran ang direksiyon ng hangin, kaya posibleng makaranas ng panandaliang pag-ulan o pagkulog at pagkidlat ang gitna at timog Taiwan.
Mula madaling-araw hanggang umaga, may posibilidad ng malakas na pag-ulan sa ilang bulubunduking lugar sa gitna at timog Taiwan. Maaari ring magkaroon ng panandaliang pag-ulan sa hilagang Taiwan at Yilan. Maulap naman sa ibang mga lugar, ngunit posible pa rin ang lokal na thunderstorm at mas malakas na buhos ng ulan pagsapit ng hapon.
Sa temperatura, inaasahang aabot sa 33 hanggang 35 degrees Celsius ang init sa hilaga ng central Taiwan at sa silangang bahagi ng bansa. Nasa 31 hanggang 32 degrees Celsius naman ang inaasahang temperatura sa timog. Dahil sa pababang hanging dala ng timog-kanlurang hangin, posibleng umabot sa humigit-kumulang 36 degrees Celsius ang init sa ilang bahagi ng Hualien-Taitung Valley. Pinapayuhan ang publiko na uminom ng maraming tubig at umiwas sa heatstroke.
Sa mga isla, magiging maulap hanggang maaraw sa Penghu, na may temperaturang 28 hanggang 33 degrees Celsius. Maulap hanggang makulimlim naman sa Kinmen, na may temperaturang 28 hanggang 32 degrees Celsius. Sa Matsu, magiging makulimlim hanggang maulap at posible ang panandaliang pag-ulan, na may temperaturang 27 hanggang 31 degrees Celsius.
Dahil sa panlabas na sirkulasyon ng bagyo, posible pa rin ang malalaking alon sa hilagang baybayin ng Keelung, silangang baybayin kasama ang Lanyu at Green Island, Hengchun Peninsula, at Matsu. Maaari pa ring umabot sa tatlo hanggang limang metro ang taas ng alon sa mga karagatang nakapalibot sa Taiwan. Pinapayuhan ang publiko na iwasang pumunta sa tabing-dagat kung hindi kinakailangan.
Ayon sa air quality forecast ng Ministry of Environment, magiging timog-kanluran hanggang timog ang direksiyon ng hangin habang papalayo ang bagyo. Dahil nasa leeward side ang hilagang Taiwan, maaaring bahagyang maipon ang mga pollutant sa lugar.
Posible ring magkaroon ng alikabok mula sa lupa sa mga baybayin mula Changhua hanggang Yunlin, Chiayi, at Tainan, pati sa Hualien at Taitung, dahil sa malalakas na hangin. Maaari itong makaapekto sa kalidad ng hangin at visibility.
Inaasahang magiging “maganda” ang kalidad ng hangin sa Hsinchu-Miaoli, central Taiwan, Yunlin-Chiayi-Tainan, at Yilan. Samantala, magiging “katamtaman” ang air quality sa hilagang Taiwan, Kaohsiung-Pingtung, Hualien-Taitung, Matsu, Kinmen, at Penghu.