Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Pag-atake Kay Yaita Akio, Posibleng May Puwersang Mula Sa Ibang Bansa

14/07/2026 14:00
Editor ng Pagsulat: 汪馬雪莉
Nagsagawa ng press conference noong Hulyo 9 ang Taiwan pro-democracy group na Taipei City Xinmin Cross-Strait Research Association na may temang “Pag-atake kay Yaita Akio: Kinokondena ang Cross-Border Violence.” Nagpaabot din ng suporta kay Yaita ang iba’t ibang sektor sa Taiwan. Photo by Daisuke Motomura.
Nagsagawa ng press conference noong Hulyo 9 ang Taiwan pro-democracy group na Taipei City Xinmin Cross-Strait Research Association na may temang “Pag-atake kay Yaita Akio: Kinokondena ang Cross-Border Violence.” Nagpaabot din ng suporta kay Yaita ang iba’t ibang sektor sa Taiwan. Photo by Daisuke Motomura.

Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang Presidential Office ng Taiwan matapos lumabas sa mga ulat na posibleng may kinalaman ang mga puwersang mula sa labas ng bansa, kabilang ang mga miyembro umano ng isang Hong Kong triad, sa pag-atake kay Yaita Akio, executive director ng Institute for National Defense and Security Research. Sinabi ni Presidential Office spokesperson Karen Kuo nitong Hulyo 14 na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng mga pulis at prosecutor ang kaso alinsunod sa batas.

Binigyang-diin ni Kuo na seryosong tinututukan ng pamahalaan ang anumang uri ng transnational repression na inilulunsad ng mga authoritarian group upang patahimikin o saktan ang mga kritiko sa iba’t ibang bansa. Suportado rin umano ng gobyerno ang masusing imbestigasyon ng mga law enforcement agency. Nakikipagtulungan din ang Taiwan sa mga bansang may parehong paninindigan upang labanan ang ganitong uri ng transnational crime.

Noong Hulyo 6, nagtungo si Yaita Akio sa Taichung para sa isang lecture nang bigla siyang suntukin ng isang lalaking may apelyidong Liao na pumasok sa Taiwan gamit ang Hong Kong passport.

Ayon sa ilang ulat ng media, ang utak umano sa likod ng pag-atake ay si Chan Wai-ho, isang opisyal ng Hong Kong triad group na Wo Shing Wo. Sinasabing nagbayad siya ng HK$50,000 kay Liao upang isagawa ang cross-border attack laban kay Yaita. Mula sa pagmamanman sa lugar, mismong pag-atake, hanggang sa pagtakas, sinasabing planado nang mabuti ang buong operasyon.

Sinabi ni Kuo na isang demokratikong bansa ang Taiwan na pinamamahalaan ng batas. Hindi umano nito pahihintulutan ang anumang dayuhang authoritarian force na gumamit ng gang, karahasan, o pananakot upang apihin at salakayin ang mga taong naninindigan para sa kalayaan at demokrasya.

Dagdag pa niya, upang maprotektahan ang national security at ang kaligtasan ng publiko, mahigpit na iimbestigahan at papanagutin ang sinumang direktang umatake, nagplano sa likod ng insidente, o tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon, pagtatago sa mga suspek, at iba pang uri ng suporta.

Samantala, nagsagawa ng unang pagpupulong sa Tokyo noong Hulyo 13 ang Taiwan Strait Peace and Stability Parliamentary Group, isang cross-party group ng mga miyembro ng upper at lower house ng Japan. Kabilang sa mga kasapi nito sina Seki Hei, Haruo Kitamura, Kaoru Nishida, Mitsuhiro Yokota, at Yoshihiko Yamada. Mahigit 20 mambabatas mula sa iba’t ibang partido ang dumalo.

Sa nasabing pulong, nagbigay ng talumpati si Yoshihiko Yamada ng Democratic Party for the People tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng Okinotorishima, Minamitorishima, at Senkaku Islands, na tinatawag namang Diaoyutai Islands ng Taiwan.

Naglabas din ng pahayag ang grupo hinggil sa pag-atake kay Yaita. Sinabi nitong bilang mga tagasuporta ng universal values at matagal nang sumusubaybay sa sitwasyon sa Taiwan, matindi nilang kinokondena ang paggamit ng karahasan upang patahimikin ang freedom of speech.

Ipinahayag din ng grupo ang malalim na pag-aalala sa posibilidad ng cross-border violence. Binigyang-diin nito na hindi kailanman dapat pahintulutan ang anumang paggamit ng puwersa o karahasan upang supilin ang malayang pagpapahayag.

Sa panayam ng media, sinabi ni Seki Hei na labis siyang nabigla at nagalit sa pag-atake kay Yaita. Inilarawan niya si Yaita bilang isang komentador na may malalim na pananaw at matibay na paninindigan para sa katarungan, bukod sa pagiging pinuno ng isang think tank. Ayon sa kanya, dapat lubos na protektado sa isang demokratikong lipunan ang mga pahayag at pampublikong aktibidad ni Yaita.

Sinabi ni Seki na hindi pa malinaw kung may nag-utos sa suspek. Gayunman, dahil nangyari ang insidente ilang sandali matapos ipatupad ng China ang Law on Promoting Ethnic Unity and Progress, hindi umano maiiwasang maghinala na maaaring organisado at planado ang pag-atake at posibleng may kaugnayan pa sa isang rehimen.

Binigyang-diin niyang ang insidente ay hindi lamang pag-atake kay Yaita bilang isang indibidwal. Isa rin umano itong hamon sa demokrasya at rule of law. Dahil dito, nagpasya ang grupo na maglabas ng magkasanib na pahayag upang kondenahin ang karahasan at ipakitang hindi sila uurong.

Ayon kay Seki, sinabi ni Yaita na hindi siya kailanman uurong. Dagdag niya, kung hindi uurong si Yaita, hindi rin sila uurong at patuloy nilang lalabanan ang mga puwersang gumagamit ng marahas at maruming paraan.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解