Gaganapin sa Setyembre sa Aichi at Nagoya, Japan ang 2026 Nagoya Asian Games. Inihayag ng Ministry of Sports ng Taiwan nitong Hulyo 14 ang mga miyembro ng national delegation. Magpapadala ang Taiwan ng 482 atleta para lumahok sa 34 sports events.
Hindi nagbigay ng tiyak na medal target si Sports Minister Lee Yang. Sinabi lamang niya na magpapadala ang ministry ng 15 team doctors upang matiyak na makatatanggap ang mga atleta ng pinakamahusay na medical at logistical support.
Ayon kay Deputy Sports Minister Hung Chih-chang, mahigit 700 katao ang kabuuang bubuo sa delegasyon, kasama ang 482 atleta. Pangungunahan ito ng ilang kilalang Taiwanese athletes.
Kabilang sa boxing team sina Lin Yu-ting, Chen Nien-chin, at Huang Hsiao-wen. Sa weightlifting, lalahok si Kuo Hsing-chun. Makikipagkompetensiya rin si Yang Yung-wei sa judo, habang sasabak sa gymnastics sina Lee Chih-kai at Tang Chia-hung.
Sa badminton, lalahok sa ikalimang pagkakataon si Chou Tien-chen. Kasama rin sa koponan sina Wang Chi-lin at Lin Chun-yi.
Para naman sa baseball, tinipon ng Taiwan ang ilang manlalarong kasalukuyang naglalaro sa ibang bansa. Kabilang dito sina Hsu Jo-hsi, Ku Lin-jui-yang, Wang Yen-cheng, Sun Yi-lei, Lin Yu-min, Cheng Tsung-che, at Pan Wen-hui.
Ang esports ang ikalawang pinakamalaking koponan ng Taiwan sa delegasyon, kasunod ng athletics. Gayunman, hindi kabilang sa palaro ngayong taon ang roller sports, bridge, at Go. Ang tatlong events na ito ay nakapagbigay sa Taiwan ng siyam na gold medals noong nakaraang Asian Games.
Nang tanungin tungkol sa inaasahang bilang ng medalya, sinabi ni Lee Yang, na isa ring dating elite athlete, na ang pangunahing tungkulin ng Ministry of Sports ay tiyakin ang maayos na suporta sa mga atleta.
Ayon sa kanya, pinalakas ang medical team at mga support station upang mabigyan ang mga atleta, coaches, at iba pang miyembro ng delegasyon ng pinakamahusay na tulong. Pinasalamatan din niya ang Ministry of Agriculture sa malaking resources na inilaan nito para sa Taiwan delegation.
Binigyang-diin ni Lee na anuman ang maging resulta ng kompetisyon, responsibilidad ng Ministry of Sports na suportahan at panagutan ang pangangailangan ng mga atleta.