Tinawag ni Paraguay President Santiago Peña na isang makasaysayang sandali ang pagpapadala ng unang shipment ng poultry products mula Paraguay patungong Taiwan. Ayon sa Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan nitong Hulyo 14, naisara at naselyuhan na ang unang container ng karne ng manok.
Noong bumisita si Peña sa Taiwan noong Mayo, inanunsyo ni Pangulong Lai Ching-te na opisyal nang bubuksan ng Taiwan ang merkado nito para sa poultry products mula Paraguay. Layunin nitong higit pang palalimin ang ugnayang pangkalakalan at pang-ekonomiya ng dalawang bansa.
Pinangunahan ni Peña ang isang state visit sa Taiwan mula Mayo 7 hanggang 10 at nakipagpulong kay Pangulong Lai. Sa kanilang pagpupulong, sinabi ni Lai na pahihintulutan na ng Taiwan ang pagpasok ng poultry products mula Paraguay.
Sa regular na press conference ng Ministry of Foreign Affairs, tinanong ng media ang kasalukuyang estado ng importasyon ng poultry products mula Paraguay. Sinabi ni Han Chih-cheng, director-general ng Department of Latin American and Caribbean Affairs, na isang agricultural at livestock-producing country ang Paraguay.
Ayon kay Han, matagumpay nang naibebenta sa Taiwan ang beef at pork products mula Paraguay. Umaasa rin umano ang poultry industry ng Paraguay na makapasok at lumago sa Taiwanese market.
Sinabi niyang noong nakaraang linggo ay naiulat na personal na sinaksihan ni Peña ang pagsasara at pagselyo sa unang container ng poultry products na ipadadala sa Taiwan. Inaasahan niyang malapit nang makarating sa Taiwanese market ang karne ng manok mula Paraguay.
Sa Instagram post ni Peña noong Hulyo 8, sinabi niyang nasaksihan niya ang isang makasaysayang sandali nang ihanda para sa pagpapadala sa Republic of China, Taiwan ang unang 150 tonelada ng poultry products.
Ayon kay Peña, sumasalamin ito sa matibay na pagkakaibigan ng Paraguay at Taiwan. Patunay rin umano ito ng matagumpay na pagbubukas ng Taiwanese market kasunod ng kanyang huling pagbisita sa bansa.
Kasama sa kanyang post ang larawan niya sa tabi ng naselyuhang shipping container.