Skip to the main content block
::: Home| Sitemap| Podcasts|
|
Language
Push Notifications ng Mga Popular na Balita
繁體中文 简体中文 English Français Deutsch Indonesian 日本語 한국어 Русский Español ภาษาไทย Tiếng Việt Tagalog Bahasa Melayu Українська Sitemap

Department of Education: Agad na Sinuspinde ang Preschool Teacher sa Child Abuse Case

16/07/2026 12:00
Editor ng Pagsulat: 呂曉倩
Photo from CNA
Photo from CNA

Isang pribadong kindergarten sa Taipei ang iniimbestigahan matapos ang umano'y malawakang pang-aabuso sa mga bata, kung saan iginiit ng mga magulang na mabagal ang naging pagtugon ng pamahalaang lungsod.

Noong July 15, sinabi ng Taipei Department of Education na agad nitong ipinag-utos ang suspensyon ng mga sangkot na preschool teachers matapos matanggap ang ulat mula sa paaralan. Pinagmulta rin ang kindergarten ng NT$30,000 dahil sa naantalang pag-uulat ng insidente.

Sa isang press conference sa Taipei City Council, sinabi ng independent city councilor na si Hsu Li-hsin na hindi bababa sa 12 bata ang pinaniniwalaang naging biktima ng hindi tamang pagtrato sa isang pribadong chain kindergarten sa Zhongzheng District.

Ayon sa mga magulang, nagsimula silang maghinala matapos makita ng isang magulang noong June 23 ang isang guro na hinihila ang isang batang babae papasok ng silid-aralan gamit lamang ang isang kamay.

Matapos suriin ang CCTV footage, nadiskubre umano nilang maraming bata ang matagal nang nakararanas ng hindi tamang pagtrato.

Ibinahagi rin ng mga magulang na marami sa kanilang mga anak ang biglang natakot pumasok sa paaralan at nagpakita ng pagbabago sa kanilang pag-uugali.

Ayon sa mga kuha sa CCTV, ilan sa mga batang biktima ay pinapagapang na parang aso sa hallway tuwing oras ng tanghali, habang ang iba naman ay sinasabunutan, itinutulak, pinapalo sa ulo, o kinukurot.

May isa ring magulang na nagsabing ilang ulit umanong sinaktan ang kanyang anak sa loob lamang ng 30 minuto habang nasa isang field trip, habang isang dalawa't kalahating taong gulang na bata ang pinatayo nang mag-isa sa isang sulok sa oras ng pagtulog.

Iginiit ng mga magulang na mabagal umanong kumilos ang paaralan at ang mga awtoridad.

Ayon sa kanila, iniulat na ng kindergarten ang insidente sa Taipei Department of Education noong June 26, ngunit kinailangan pa nilang magsumite ng mga liham ng reklamo noong June 29, June 30, at July 6, habang humihiling ng mas malawak na imbestigasyon at aksyon mula sa city government.

Hiniling din ng mga magulang kay Taipei Mayor Chiang Wan-an na personal na tugunan ang kaso, bumuo ng isang inter-agency task force, at magtalaga ng mga opisyal na tutulong sa mga magulang sa pagsusuri ng CCTV footage.

Sa pahayag ng Department of Education, sinabi nitong matapos matanggap ang ulat noong June 26, agad nitong ipinag-utos ang suspensyon ng unang guro, na hindi na pinayagang pumasok sa paaralan simula June 29.

Sa karagdagang pagsusuri ng CCTV, natuklasan ding may isa pang guro na umano'y sangkot sa hindi tamang pagdidisiplina sa mga batang edad tatlo hanggang lima, kaya isinailalim din ito sa suspensyon noong July 14.

Bukod dito, sinuri rin ng Department of Education ang iba pang kindergarten at cram school na pinamamahalaan ng parehong operator.

Natuklasan ng mga awtoridad na may cram school na ilegal na nagbibigay ng preschool education services, kaya pinagmulta ito ng NT$120,000. Isa pang multa na NT$50,000 ang ipinataw dahil sa pagkuha ng mga empleyadong walang kaukulang pahintulot.

Samantala, nagsagawa rin ng inspeksyon ang Taipei Department of Social Welfare sa kaugnay na daycare center noong July 13 at siniguro ang pangangalaga sa CCTV recordings bilang bahagi ng imbestigasyon.

Ayon sa Department of Education, kapag natapos ang imbestigasyon, isusumite ang kaso sa isang review committee na magpapasya sa kaukulang parusa laban sa mga guro at sa mga responsable sa pamamahala ng paaralan.

Binigyang-diin ng ahensya na zero tolerance ang polisiya nito laban sa anumang uri ng child abuse o hindi tamang pagtrato sa mga bata.

Nakatakda rin itong magsagawa ng parents' briefing, magbigay ng legal assistance at counseling services, at tumulong sa paglilipat ng mga batang nais ilipat sa ibang kindergarten sa Zhongzheng at Daan District.

為提供您更好的網站服務,本網站使用cookies。

若您繼續瀏覽網頁即表示您同意我們的cookies政策,進一步了解隱私權政策。 

我了解